Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 604

Ika-3 na labas

Naiiling na dinukot ni Ligaya ang wallet sa bulsa ng maong na short niya.

“O eto, P450, ‘yan na lang ang pera ko, pagkasyahin mo na lang.”

Abante Hiring – IT dep

“Naku Ligaya salamat, hulog ka talaga ng langit sa’kin, bagay na bagay sa’yo ang pangalan mong Ligaya dahil nakakapagpaligaya ka ng mga tao!”

“Asus, o sige na, masyado nang mahaba ang eksena mo sa buhay ko, pupuntahan ko pa si Lualhati!”

Ang tinutukoy na Lualhati ni Ligaya ay ang kakambal niyang nakahimlay sa sementeryo na tatlong kanto lang ang layo sa bahay nila.

Namatay ito noong fourteen years old pa lang dahil sa sakit na kanser sa dugo. Parang binagsakan ng langit at lupa noon ang pamilya nila.

Naalala pa niya kung paano gumuho ang mundo nila ng mga magulang niya sa pagdadalamhati sa kakambal niya kaya naman mula noon ay ipinangako na niya sa sarili na pupunan niya ang puwang na iniwan ni Lualhati sa buhay nila.

Gagawin niya ang lahat para lang mapasaya ang mga magulang. Kahit pa pakiramdam niya ay mas madalas pa yata siyang nagiging pasaway kaysa nakakapagpasaya sa mga ito. Mula kasi nang mawala si Lualhati ay tila trouble na ang naging kakambal niya! Ewan niya kung bakit, wala naman siyang ibang hangad kundi ang makapagpasaya.

“Hi Lualhati! Kumusta ka naman diyan? Sana okay na okay ka lang. Nga pala,  may pasalubong ako sa’yo, buti na lang nakapagsilid ako sa bulsa ko nito, kundi wala akong madadala sa’yo ngayon, kasi naman sa tinagal-tagal ko nang nag-oober da bakod sa haunted house na ‘yon, ngayon lang ako napagtripan ng multo o kung ano man ‘yon! Pero don’t worry, kasi hangga’t nakatayo ang mga puno ng paborito nating aratiles do’n mangunguha pa rin ako lagi para madala ko sa’yo!”

Matapos dukutin sa bulsa ay inilapag ni Ligaya ang mga aratiles sa ibabaw ng puntod ni Lualhati.

“O ‘yan, sana magustuhan mo…alam mo sis miss na miss na kita, kahit lumipas na ang panahon parang kahapon lang ang lahat…parang kahapon lang dalawa pa tayong namimitas ng mga aratiles do’n…parang kahapon lang nag-uunahan tayo sa pagtakas kapag nahuhuli tayo ng dating katiwala roon na si Tandang Berto…wala na nga rin siya eh, namatay na rin, hinabol ka yata hanggang sa langit!”
Kinabukasan.

“LIGAYA! LIGAYA LUMABAS KA DIYAN!” sigaw ni Lusyo sa harapan ng bahay ng mga Magsinop.

Iinat-inat na lalabas na sana ng pintuan si L­igaya nang harangin siya ng ina.

“O sa’n ka pupunta?”

“Lalabas po, tinatawag ako ni Kuya Lusyo baka kailangan din niya ng payo ko.”

“Nababaliw ka na ba talaga? Matapos mong payuhan ang asawa niya na makipaghiwalay sa kanya, ngayon sasabihin mong kailangan din niya ang payo mo?” medyo napataas ang boses na sabi ni Aling Amor.

“Nay, relax, nasa tama naman po ako kaya hindi ako dapat matakot kahit kanino!”

“A talaga, kahit pa may hawak na itak si Lusyo?”

Nabigla ang disiotso anyos na dalaga.

“Ha, itak po?”

Mula sa kusina ay lumabas ang tatay niyang si Mang Romulo dahil narinig nito ang pag-uusap nilang mag-ina.

“Ano na naman ba ang ginawa mo, Ligaya? Nu’ng isang linggo lang ipinabarangay ka ng kapitbahay nating si Aling Berta dahil pinagbabato mo ‘yung bubong nila, ngayon anong trouble na naman ‘to?”

“Tay, wala po akong ginawang masama, naawa lang po ako kay Ate Bebeth kasi lagi na lang siyang binubugbog ng lasenggong asawa niya, malay ko po bang susundin niya ang payo kong makipaghiwalay na lang siya! Saka ‘yung tungkol naman po kay Aling Berta, kung anu-ano kasing ikinakalat na tsismis tungkol sa’kin eh, unfair naman ‘yon!” (Itutuloy)