Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 604

Ika-29 na labas

Bumaling ang matanda kay Ligaya.

“Ligaya, ayos ka lang ba? ang mga magulang mo nasa labas sila!”

Nagmamadaling lumabas si Ligaya. Sinalubong siya ng yakap ng mga magulang.

“Anak, mabuti naman at ligtas ka na, okay ka lang ba, nasaktan ka ba?” si Aling Amor.

“Okay lang po ako… Nay, tay pa’no nyo po nalaman na nandito ako?”

“Nu’ng sinabi mo sa akin sa text na nasa kaibigan ka, naniwala ako pero nu’ng umaga na sinabi sa akin ni Sol na nakita ka niyang pumasok sa bahay na ‘yan ng hatinggabi, tatawagin ka sana niya pero may kasama ka raw kaya hindi na niya ginawa… nagpunta kami ng tatay mo rito pero parang wala naman tao, ang sabi ng tatay mo baka nagkamali lang si Sol pero hinanap ka na namin sa ibang lugar, sa mga kaibigan mo, at hindi ka rin namin makontak, kaya nagduda kami na baka nga nandiyan ka sa loob at may nangyayari nang hindi maganda… kaya humingi na kami ng tulong sa mga pulis…”

“Ligaya, sa lahat ng trouble na ginawa mo, ito ang hinding-hindi na puwedeng maulit maliwanag ba?” si Mang Romulo.

“O-opo ‘tay, nay sorry po!”

“Umuwi na tayo sa bahay at ikuwento mo sa amin kung ano talagang nangyari!”

Nang makauwi sa kanila ay dinalaw agad siya ng mga bff niya.

“Kumusta naman ang byuti mo?” si Lupe na katabi niyang nakaupo sa sofa.

“Eto, stress pero maganda pa rin.”

“Nakukuha mo pa talagang magbiro, samantalang muntik ka nang mamatay kasama ang estrangherong lalaking ‘yon!” galit na sabi ni Rick.

“Jonas, Jonas ang pangalan niya, in fairness naman do’n sa tao, prinotektahan naman niya ako.”

Nilapitan sila ni Aling Amor dala ang pitsel na may lamang juice at tatlong baso sa tray. Meron ding tatlong platito at isang bandehadong pansit.

“O magmeryenda muna kayo,” Anito saka sila iniwan.

“Ligaya ‘wag mong sabihin sa sandaling panahon na pagkakakilala n’yo e nahulog na agad ang loob mo sa kanya?” kunot-noong tanong ni Rick.

Hindi kumibo si Ligaya.

“HA? Nahulog ka na sa kanya?” duet na tanong ng dalawang bff.

“Hindi lang kumibo oo na agad ang sagot, hindi ba puwedeng pinakikiramdaman ko pa ang puso ko?”

“HINDI!” duet ulit na sagot ng dalawa.

Sa ospital.

“Jonas ngayong for recovery na lang ang uncle mo mula sa bugbog na tinamo niya, siguro puwede na natin siyang ilipat sa ospital ng Maynila, tutal babantayan naman siya ng mga pulis at gagawing star witness para sa kaso,” Si Manang Eva na nakatayo sa bandang paanan ng natutulog pang si Ben.

“Ibig sabihin babalik na rin tayo sa Manila?” tanong ni Jonas na nakaupo sa gilid ng kama ng tiyuhin niya.

“Kailangan. Pero baka hindi ka muna makabalik sa pag-aaral… kailangan mo munang maghanap ng trabaho dahil marami pang aayusing problema ang uncle mo…”

“Yeah… sige gagawin ko, ang importante ligtas na si Uncle Ben… manang salamat kasi hindi mo kami iniiwan kahit hindi ka na namin napapasahod at kahit palagi kong pinapasakit ang ulo mo, lalo na sa tuwing tatakasan ko si uncle…”

“Ano ka ba namang bata ka, maliit ka pa kasama n’yo na’ko, ngayon ko pa ba kayo iiwan ngayon kailangan n’yo ng karamay?”

Napangiti si Jonas sa kabutihan ng matandang babae. (Itutuloy)