Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Ika-28 na labas

“Okay, okay, ano bang games ang naiisip mo?”

“Ahm… saglit, may nakita akong baraha kanina rito nu’ng naghahanap ako ng makakain eh!”

Tumayo si Ligaya at kinuha ang baraha mula sa loob ng isang lumang cabinet.

“You know what, hindi ako humahawak ng baraha, hindi ako marunong niyan!”

“Naku tuturuan kita, promise enjoy ka rito!”

Napapailing at napapangiti si Jonas. Sa kabila ng pagtanggi ay napapayag din siya ni Ligaya. Tinuruan siya nitong mag-tong its. At ang matalo ay pipitikin sa ilong.

“Wait, ‘wag naman masyadong malakas!” reklamo ni Jonas dahil lagi siyang talo.

Lumipas pa ang isang araw at gabi. Nakakaidlip na sana sa sahig na sinapinan lang ng karton si Jonas nang marinig niya ang mahinang paghikbi ng dalaga.

“Ligaya are you okay?”

“Okay? Hindi, hindi ako okay…”

Tinabihan siya ng binata sa sofa at niyakap.

“Magiging okay rin tayo, just pray…” halos pabulong na sabi ni Jonas.

Tulog, gising, kain ng tipid, kuwentuhan, baraha, at dasal, sa ganoon umikot ang tatlong araw na nina Jonas at Ligaya sa basement. Sa ika-apat na araw at wala na silang pagkain ay nakaramdam na sila ng panlalata.

“Jonas, baka mamatay na lang din tayo rito sa gutom tulad ng ginagawa nila sa uncle mo…”

“Kailangan makagawa tayo ng paraan…”

Saglit na nag-isip ang dalawa.

Related Posts

“Teka, may pintuan sa kusina ‘di ba? bakit hindi tayo dumaan do’n?” sabi ni Ligaya.

“Naisip ko na ‘yan, kaso naisip ko rin, baka may bantay sa labas, kasi kahit saan naman tayo dumaan iisang gate lang ang lalabasan natin kaya malaki pa rin ang posibilidad na mapahamak pa rin tayo.”

“Pero mas lalo tayong mapapahamak dito kung hindi natin susubukan, malay mo naman walang bantay do’n o kaya baka malingat sila at makaeskapo tayo!”

“Ligaya, mahirap sumugal.”

“Mas mahirap ang manatili rito!”

Nagbato-batopik ang dalawa kung sino ang masusunod sa desisyong iyon. Nanalo si Ligaya kaya sa ayaw at sa gusto ni Jonas ay kailangan niyang sumunod. Paakyat na sila sa hagdanan ng basement nang makarinig sila ng sunud-sunod na putok.

Napaupo sila sa hagdanan, takip ni Ligaya ng dalawang kamay ang teynga niya. Si Jonas naman ay niyakap ang dalaga bilang pagprotekta rito. Nang pansamantalang mawala na ang putok ay pareho silang napatingin sa itaas.

“Dito ka lang sisilipin ko.” si Jonas.

Nabuhayan ng loob si Jonas nang makitang may kabarilan ang mga lalaki. Sa tingin niya ay mga pulis. Isinara ulit niya ang basement at binalikan ang takot na takot na si Ligaya.

“Ligaya, don’t cry na, kailangan na lang natin maghintay ng konti, we’ll be safe okay?”

“Sigurado ka? May mga pulis na ba?”

“I think so!”

Maya-maya pa ay natahimik na ang paligid. Ang pagkakataong pinakahihintay ng dalawa. Maingat silang lumabas mula sa basement. Nagpalinga-linga. Pintuan ng kusina pa rin ang direksyon nila nang mapatingin si Jonas sa dakong terrace at makita roon si Manang Eva kausap ang mga pulis.

“Si Manang Eva!” patakbo nilang tinungo ang terrace.

Natuwa ang matanda nang makita sila. Niyakap agad nito si Jonas.

“Mabuti at ligtas kayo, saan ba kayo nagtago?”

“S-sa basement po, kayo saan ka nagtago? si Uncle Ben?”

“Iginapos din nila ako sa kuwarto ko… ang uncle mo dinala na siya sa ospital, sumunod na lang tayo doon pagkatapos kong magbigay ng statement sa mga pulis.” (Itutuloy)