Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 604

Ika-27 na labas

“No, it’s mine, ako ang kumuha ‘di ba?”

“Pero babae ako, ladies first, kailangan mo akong pagbigyan!”

“Ano ka sinusuwerte?”

“Korek, suwerte nga ako ‘di ba kasi kasama ko lang naman si Mr. trouble!”

“Hoy kung Mr. trouble, ako ikaw naman si Miss Trouble! Mula kasi nang buntutan mo ako binuntutan na rin ako ng malas!”

“A gano’n?”

Bubuksan na lang ni Jonas ang juice in can nang bigla itong agawin ni Ligaya.

‘Mag-jack en poy na lang tayo!”

Inis man ay pumayag na rin si Jonas.

“Okay, bato-bato pik!”

“Oha, papel ako bato ka!”

“Best of three tayo!”

“Talagang sinusubukan mo ako ah, okay sige hindi kita uurungan!”

“O pa’no ‘yan all one na! bato pa rin ako at gunting ka!”

Sa huli ay si Ligaya pa rin ang nanalo.

“Wohoh! Ang sarap nito, ang lamig pa ha!”

Humalukipkip naman si Jonas sa inis habang kinakagat ang tinapay. Parang nakonsensya naman si Ligaya. Kaya nang makakalahati na ay inabot ito kay Jonas.

“O ayan, hati tayo, baka naman sabihin mo makasarili ako.”

Hindi na nagpakipot ang lalaki. Tinanggap nito ang juice at napapangiti pang ininom. Napakunot-noo si Ligaya nang hindi man lang pinunasan ng binata ang bibig ng can kahit alam nitong nainuman na niya iyon.

Matapos kumain ay natahimik na naman sila.

“Jonas, magkuwento ka naman ng tungkol sa’yo, pampalipas oras lang…”

“Bakit hindi ikaw ang magkuwento ng tungkol sa’yo?”

“Wala namang masyadong ganap sa buhay ko… may kakambal ako pero wala na siya, may nanay at tatay, may dalawang bestfriend…

pumapasok sa culinary, iskolar ako kaya kalahati lang ang gastos na iginagapang ng tatay kong barber… nag-iisa lang siyang barbero sa lugar na’to kaya malakas siyang kumita… si nanay taong bahay kasama ang tatlong pusa na inampon niya… ano pa ba… ikaw naman.”

Napilitan si Jonas na mag-open up na rin kay Ligaya ng ilang bagay tungkol sa kanya.

“Ako ulila na sa mga magulang, si uncle na ang kinagisnan ko at hindi ko talaga mapaniwalaan na meron pa pala akong hindi alam tungkol sa kanya, tungkol sa sindikatong sinamahan niya… actually may girlfriend akong naiwan sa Maynila pero bago pa ako umalis do’n two weeks na kaming hindi nag-uusap, siguro break-up without closure ang tawag do’n… civil engineering ang kinukuha ko, maraming kaibigan pero hindi ko alam kung may totoo… that’s all, wala na akong ibang mase-share…”

“Jonas, sigurado akong nag-aalala na sina nanay at tatay…”

Hinawakan ni Jonas ang kamay ng dalaga kaya nagulat ito.

“Don’t worry, I will explain to them kapag nakalabas na tayo rito… and don’t worry, hindi ko naman hahayaang may mangyari sa’yo…”

“Seryoso ba ‘yan?” napapaiyak nang sabi ng dalaga.

“Oo naman.” Tugon ni Jonas na hindi pa rin binitawan ang kamay ni Ligaya. Sa halip ay isinandal pa nito ang ulo ng dalaga sa balikat niya.

Nakaramdam naman ng kapanatagan at kakaibang pintig ng puso si Ligaya habang kino-comfort siya ng binata.

“Thank you…” bulong niya habang nanatiling nakasandal dito.

Maya-maya pa ay tumayo si Ligaya at muling nagpalakad-lakad. Tapos ay naupo ulit sa tabi ng binata.

“Ano kaya kung mag-games naman tayo?”

“Naisip mo pa talaga ‘yan?”

“Jonas mababaliw ako kapag hindi ko inalis sa isip ko ang sitwasyon natin ngayon!” (Itutuloy)