Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Ika-24 na labas

“Jonas, siguro naman pwede mo nang ipaliwa­nag sa’kin kung ano ba talaga ang kaganapang ito?” pakiusap ni Ligaya.

“Si uncle kasi, na-frame up siya sa company na pinapasukan niya, nagdispalko raw siya ng malaking halaga ng pera, kaya nagtago kami kaysa makulong siya…but look, mukhang napakaliit talaga ng mundo para masundan pa kami ng mga taong ‘yon dito.”

Saglit na nag-isip si Ligaya bago nagkomento.

“Jonas, hindi ko maintindihan bakit kailangan pa nilang mamaril, hindi ba dapat nag-e-effort na lang silang mahuli ang uncle mo ngayong nasundan na nila tayo, bakit pati ikaw?”

“May mga hindi rin ako naiintindihan kasi ‘yun lang ang sinabi sa’kin ni uncle…nag-aalala rin ako kasi mag-isa lang si uncle sa room niya, baka kung ano nang nangyari sa kanya…”

“At si manang…” dugtong ni Ligaya.

Napahugot ng malalim na hininga si Jonas. Tumayo ito at aktong papanhik sa hagdan.

“Oy teka-teka lang, anong gagawin mo ha?” pigil ng dalaga.

“Sisilip lang ako, baka kung ano nang nagyari sa kanila.”

“Gano’n ba, e pero baka masilip din nila tayo dito…”

Muling naupo si Jonas sa tabi ni Ligaya. Pagkatapos ng ilang segundo ay tumayo at nagpalakad-lakad. Sinusundan lang siya ng tingin ng dalagang puno rin ng pag-aalala.

Maya-maya ay si Ligaya naman ang tumayo.

“Hindi pwedeng ganito, kailangan nga nating silipin ang ganap sa taas…”

Sumang-ayon si Jonas pero…

“Ako na lang, stay here…”

Related Posts

Maingat ang mga hakbang na umakyat si Jonas. Bahagyang binuksan ang pintuan ng basement. Tahimik ang paligid. Subalit may nauulinigan siyang mga boses na sa tingin niya ay nagmumula sa salas.

“BEN, nauubusan ka na ng oras, hangga’t hindi mo naibabalik sa amin ang pera unti-unti naming ipaparamdam sa’yo ang sakit at hirap ng pagkamatay mo, at saka ‘yung pamangkin mo, malamang naglakwatsa lang ‘yon, at kapag bumalik siya sisi­guraduhin ko sa’yo na pareho kayo ng magiging kamatayan!” anang boses ng isang lalaki.

“Sinabi ko naman sa inyo hindi ako ang tuma­ngay ng pera, si Walter!”

“Ah gano’n? Pwes kayong dalawa ni Walter, sa sindikatong ito pa rin kayo babagsak at hindi kayo makakakalas hangga’t buhay pa kayo!”
“AAAHHH!” sigaw ni Ben.

“Teka bakit sumisigaw ka na agad hindi ka pa naman napaparusahan?”

“E kinagat ng langgam ‘yung paa ko eh, ang sakit kaya at ang kati! Hindi ko makamot eh na­kagapos ako! Pwedeng pakikamot?”

Napailing si Jonas. Nagulat na lang siya nang pagsara niya ng pinto ay nasa likuran na niya si Ligaya.

“Sindikato? Ibig sabihin ang uncle mo kasapi sa sindikato at pinagbibintangan siyang tinangay ang pera ng sindikato tapos ngayon hinahabol siya gano’n ba ‘yon? At pati na rin tayo…”

“Ngayon ko lang din nalaman…”

Bumalik sila sa sofa sa basement. Parehong naguguluhan.

“Kailangan nating makaisip ng paraan kung paano tayo makakalabas dito at kung paano natin matutulungan si uncle…”

“Anong natin, anong tayo? Walang natin at lalong walang tayo, ikaw lang mag-isa ang bahalang mag-isip ng solusyon, at ako ha, matutulog ako!”

“Makakatulog ka talaga niyan?”

“Oo kaya umusod ka at dito ako matutulog sa sofa, madaling-araw na kaya!”

Napilitang umusod si Jonas. Ipinuwesto ni Ligaya ang paa niya malapit sa binata saka ipinikit ang mga mata.

Sa isip niya… “Lord, sana panaginip lang lahat ito, sana magising ako na nasa amin na’ko…pro­mise hindi na’ko makikialam sa buhay nang may buhay…hindi na rin ako magbibintang at magdududa sa kapwa!” (Itutuloy)