Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 604

Ika-23 na labas

“Mamaya ko na ipapaliwanag sa’yo, makinig ka, kailangan nating makarating sa basement, doon lang tayo ligtas.”

“Basement? May basement dito?”

“Oo, gagapang ako papunta ro’n, sumunod ka sa’kin.”

“Teka bakit hindi na lang tayo tumawag ng pulis? Saka nasan sina manang at uncle mo?”

“I don’t know, papunta ako sa kusina nang makita ko sila sa bintana na itinututok na ang baril!”

Napaantanda si Ligaya.

“Jusko Lord, ‘wag niyo naman pong itulot na ito ang maging katapusan ko, puwede bang sa bangungot na lang?”

Hindi na pinansin ni Jonas si Ligaya, sinimulan na niya ang paggapang patungo sa sinasabi niyang basement.

Nag-aalangan namang sumunod si Ligaya pero bigla siyang napakislot nang muli siyang makarinig ng putok kaya naman nagmadali siyang gumapang at halos magkandasubsob ang mukha niya sa puwitan ng binata.

Hindi naman kalayuan ang basement sa kusina kaya madali nila itong narating.

“Teka, ang dilim!” takot na sabi ni Ligaya habang bumababa sila sa paikot na hagdanan.

“Sandali kakapain ko lang ‘yung switch…”

Kinapa ni Jonas ang switch ng ilaw pero natigilan siya nang hindi switch ang makapa niya kundi ang kamay ng dalaga. Nagulat din ang dalaga sa pagdampi ng malambot na kamay ni Jonas sa kamay niya.

“Kamay ko ‘yan, tsansing ka rin eh no!” mabilis na bawi ng dalaga.

“Ba’t kasi nasa pader ang kamay mo?”

“E sa’n mo ako gustong humawak wala namang hawakan ang hagdan na’to?”

Nang makapa ang switch ay agad nagliwanag sa kabuuan ng basement. CR agad ang hinanap ng mga mata ni Ligaya.

“Thank you Lord may banyo, akala ko maiihi ako sa panty sa nerbiyos!” bulalas niya.

“Watch your words nga, sana lang may tubig,” dugtong ni Jonas.

Sinilip ni Ligaya ang banyo at binuksan ang gripo. May tubig pero mahina lang ang tulo.

“Praise the Lord!”

Paglabas ng banyo ay napatingin si Ligaya sa ilaw.

“Jonas baka makita nilang maliwanag dito?”

“Ano ka ba, nasa ilalim tayo at naka-lock na ang pinto kaya relax ka lang diyan!”

“Relax? Hello? Pa’no ako makakapag-relax sa ganitong sitwasyon?”

Nang biglang tumunog ang cellphone ni Ligaya.

“Ligaya i-silent mo nga ang CP mo, ‘yan ang magpapahamak sa’tin baka marinig nila!” reklamo ni Jonas.

“Teka lang nag-text ang nanay ko…may narinig daw silang mga putok, pero walang makapagsabi kung saan galing, walang may lakas loob na alamin dahil sa takot…kung nasaan man daw ako e ‘wag na muna raw akong umuwi, ite-text na lang daw nila ako kapag may mga pulis na dumating…” dahil sa nabasa ay napabuntong hininga si Ligaya.

“Grabe na’to, walang kamalay-malay ang mudra ko na ako na ang binabaril dito…” sabay sandal ni Ligaya sa dingding.

“Iniisip ba talaga ng nanay mo na uuwi ka sa ganitong oras ng gabi?”

“Kabisado kasi ako ng nanay ko, kahit nag-text na’ko na hindi ako makakauwi alam niya na pabagu-bago ako ng isip, kaya naninigurado lang ‘yon!” sabay salampak ng upo ni Ligaya sa mababang sofa.

Magte-text sana si Ligaya kay Rick para hu­mingi ng tulong sa mga pulis nang bigla namang malobat ang cellphone niya.

“‘W-wag, ‘wag, ‘wag! Bakit ngayon pa?”

“Naiwanan ko sa room ang cellphone ko…” si Jonas.

Saglit na naghari ang katahimikan. Tahimik na naupo rin si Jonas sa tabi ng dalaga. (Itutuloy)