Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Ika-21 na labas

“Do’n tayo sa bahay!”

“Ha? P-pero…”

“Wala nang pero pero, basta sumunod ka na lang, gusto mong madamay dito di ba? Pwes wala ka nang choice ngayon!”

“Ano, teka, muna!”

“Wala nang teka teka, nasa likod na natin sila!”

Mukhang no choice na nga si Ligaya paglingon niya dahil namataan na ulit sila ng humahabol sa kanila.

“Tara na!” siya pa mismo ang muling humila sa binata.

Hingal kabayo nilang narrating ang malaking bahay. Tatakbo na si Ligaya pauwi sa kanila nang hawakan siya ni Jonas sa braso.

“Saan ka pupunta?”

“Sa amin uuwi na!”

“Hindi pwede, kailangan mo munang magtago dito, malapit lang sila kung tatakbo ka pa pauwi sa inyo baka makita ka na nila madadamay pati ang family mo!”

Sa narinig ay nauna pang sumampa ng gate si Ligaya. Natulala si Jonas sa napakabilis na pag-ober da bakod ng dalaga.

“Hoy ano pang ginagawa mo diyan sampa na!”

Tila nagdalawang-isip ang binata kaya tinulu­ngan na ito ni Ligaya na makasampa rin. Nang makababa sila ay pansamantala silang nagkubli sa mga puno ng aratiles.

“Teka, bakit dito tayo?”

“Ssshhh, i-zipper mo muna ang bibig mo, ayun na sila o, lumilinga, hindi nila pwedeng malaman na dito tayo pumasok,” mahinang sabi ni Jonas habang sumisilip sa rehas ng gate mula sa likuran ng puno.

“Sino ba kasi ang…”

Related Posts

“I said zipper your mouth…” muling saway ni Jonas sa dalaga.

Iminuwestra naman ni Ligaya ang pag-zipper sa bibig niya.

“Huminto pa sila sa tapat ng gate, mukhang wala silang balak umalis…”

“Pwede ba zipper mo rin ‘yang mouth mo baka marinig ka nila.” Inis na bawing pabulong ni Ligaya.

“Ummp.” Sabay sara rin ni Jonas sa bibig niya.

Hindi nila alam kung ilang minuto pa silang nanatili sa likod ng punong iyon bago nila nasiguro na wala na ang mga lalaki.

“Ano sure ka ba wala na?” tanong ni Ligaya dahil si Jonas ang nasa gawing tanaw ang gate.

“I’m not sure, pero siguro pwedeng sa kusina na lang tayo dumaan.”

“Anak ng…bakit ngayon mo lang naisip ‘yan?”

“Dahil wala akong susi sa kusina, subukan lang natin kumatok baka marinig tayo ni manang.”

“Teka muna, bakit hindi na lang ako umuwi sa’min?”

“Dahil baka makita ka nila, baka nasa paligid pa sila, pwede ba stop asking sumunod ka na lang kasi ito naman ang gusto mo di ba? Trouble!”

“Ganern, ako talaga ang may gusto ng trouble?”

Hindi man magkasundo ay napilitan pa rin si Ligaya mag-decide na doon na muna magpalipas ng gabi. Ite-text na lang niya ang mudra niya.

Nagulat si Manang Eva nang mapagsino ang kasama ni Jonas.

“Jonas, L-Ligaya?”

“Manang may nangyari po sa’min kaya dito na muna po magpapalipas ng gabi si Ligaya.”

“M-may nangyari sa inyo? Ibig sabihin kayong dalawa ay…may nangyari na? Dyusporsanto ang mga kabataan talaga ngayon, magkatinginan lang may nangyayari na!” napaantanda pa ang matanda.(Itutuloy)