Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 604

Ika-20 na labas

“Ano ka ba rin! Sino ba naman ang hindi mabibigla sa sinabi mo, pwede bang paki-explain mo sa’kin!”

“Wala naman akong dapat i-explain, ang totoo kasi may namaril nga sa park kagabi nu’ng sinundan ko si man in hood, pero hindi naman siya o ako ‘yung puntirya, nagkataon lang na nandoon nga kami!”

“E pa’no mo nasabing may gustong pumatay sa kanya?”

“Akala ko lang, nagkamali lang ako ng pagkasabi okay?” Pagkasabi niyon ay tinalikuran ni Ligaya si Rick at inubos na ang natitira pang kape sa mug niya.

“Hoy bff, ‘wag kang maglilihim sa’kin ha, saka kung pwede tigilan mo na ang kakamanman sa lalaking ‘yon, wala ka namang mapapala do’n kundi trouble lang… sige alis na muna ako.”

“K!”

Sa kabila ng mga pangyayari ay hindi pa rin natinag si Jonas, patuloy pa rin siyang lumalabas sa gabi, ganoon din si Ligaya.

Hanggang isang gabi, paglabas ni Jonas sa bar ay may dalawang lalaki na kumorner sa kanya sa harap mismo ng bar.

“Bata, kung ayaw mong masaktan, sumama ka na lang ng tahimik sa’min,” pabulong na sabi nu’ng isa.

“Sino ba kayo, anong kailangan n’yo sa’kin?”

“Saka ka na magtanong, sumama ka na lang muna ng maayos.” Bulong na sagot rin ng isa.

Sa ‘di kalayuan ay tumutuhog ng fishball si Ligaya. Napatingin siya sa direksyon ni Jonas. Napakunot ang noo niya nang makita ang dalawang lalaki na pamilyar sa kanya. Ang mga lalaking may baril! Iniwan niya sa sawsawan ang tinuhog na fishball at kinuha sa malalim na bulsa ng tokong niya ang dalang tirador. Inihanda talaga niya ito para sa posibleng panganib sa gabi tulad ng na-encounter nila.

Inasinta niya ang isa sa dalawang lalaki. Ina­sintang mabuti at saka pinakawalan ang unang tira. Nagulat ang lalaki nang tamaan siya ng bato sa noo. Kinapa ang noo at mula rito ay nasalat ang konting dugo.

“D-dugo?” nanginig ang lalaking takot pala sa dugo. Binatukan siya ng kasamang lalaki.

“Para ‘yan lang!” pagkasabi niyon ay siya naman ang tinamaan. Galit na luminga ang dalawang lalaki. Sinamantala iyon ni Jonas.

Nagpakawala ito ng suntok para sa isa na mabilis na nakailag kaya sa lalaking takot sa dugo tumama ang suntok niya. Sa lakas ng suntok ay agad ding nagdugo ang ilong nito na nasapul ni Jonas.

“D-dugo ulit!” takot na namang sabi ng lalaki.

Pero hindi lang pala dalawa ang lalaki. Marami itong kasama sa isang van na nakakubli sa ‘di kalayuan.

Nakita ni Ligaya nang magbabaan ang mga ito kaya naman tumakbo siyang palapit kay Jonas at tinulungan ito.

“Hiyaaahhh!” sabay sipa nito nang malakas sa lalaking takot sa dugo na tumumba naman sa kasama niya. Sinamantala ni Ligaya ang pagkaka­taon para hilahin ang binata palayo sa mga lalaki.

“Tara na dali!”

“Teka lang, ano bang ginagawa mo?”

“Tumatakbo, tara na!”

Nagulat pa si Ligaya nang hawakan ni Jonas ang kamay niya at siya naman ang hilahin nito sa mas mabilis pang pagtakbo.

Dahil sa pangyayari ay nagkagulo ang mga tao sa paligid habang ang dalawa ay patuloy na hinabol ng mga lalaking mula sa van.

“Teka, teka lang!” huminto si Ligaya at inalis ang tsinelas sa mga paa saka binitbit na lang ito.

Naiiling namang nagpatuloy sa pagtakbo ang binata.

“Hoy hintayin mo ko!”

Dahil maraming tao ang nagtakbuhan ay na­ging pagkakataon ito ng dalawa para saglit na makalayo sa paningin ng mga humahabol sa kanila. (Itutuloy)