Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 605

Ika-2 na labas

“EEEEEE!” sa sobrang takot ay naihagis ni Ligaya ang mga pinamitas na aratiles at saka kumaripas ng takbo. Halos talunin niya ang gate sa pagmamadaling makalabas.

Nang wala na ang dalaga ay pumulot mula sa mga aratiles na nahulog ang lalaki at isinubo ang isa.

“Ligaya, mabuti at nakita kita!” si Bebeth, 35, isa sa mga malapit na kapitbahay ni Ligaya.

Hinihingal pa ang dalaga mula sa pagtakbo palayo sa malaking bahay nang makasalubong ito kaya isang pilit na ngiti lang ang naging tugon niya sa babae.

“Ligaya, anong nangyari sa’yo, bakit parang hingal na hingal ka?”

“Okay lang ako Ate Bebeth, sa’yo ata may nangyari e, kasi may pasa ka na naman sa mukha oh!” puna ng dalaga.

Hinaplos ni Bebeth ang sariling pasa sa kanang bahagi ng mukha.

“Ate Bebeth, si Kuya Lusyo na naman ba ang may gawa niyan sa’yo?” marahang tumango ang babae.

“Nu’ng isang araw lang lumapit ka sa’kin, umiiyak ka at tinanong mo ako kung anong dapat mong gawin, ang sabi ko hiwalayan mo na lang kaysa naman unti-unting rumupok ang katawan mo sa bugbog niya, e mukhang nag-e-enjoy ka pa yata sa pambubugbog niya kaya wala na’kong magagawa.”

“Ligaya, balak ko naman talagang makipaghiwalay na, at isasama ko ang mga anak namin…” nagsimulang maglakad si Bebeth habang nagkukuwento kasabay ang dalaga.

“Kaya ka ba niya binugbog ulit kasi nalaman niyang hihiwalayan mo na siya?” tanong ni Ligaya.

“Hindi, kakagising lang niya at may hang-over pa nga, tapos wala siyang nakitang pagkain sa mesa. Kaya…”

“Kaya ka niya binugbog dahil lang wala siyang nakitang pagkain sa mesa?” kunot-noong muling tanong ng dalaga.

“Hindi, kasi nakain ng pusa ang pagkain niya…may pritong isda kasi, alam mo naman paborito ‘yon ng mga pusa!”

“Ah, tapos nagalit siya at binugbog ka niya?”

“Hindi nga, sabi niya ipagluto ko na lang daw siya ng noodles.”

“Malamang hindi mo naipagluto agad at nainip siya kaya binugbog ka niya?”

“Hindi rin, kasi beef flavor ang nabili ko, e hindi nga pala siya kumakain ng beef, ang gusto niya chicken…”

“Ah iyan na siguro ang dahilan kaya inombag ka niya!”

“Hindi pa rin, kasi…”

“Ate Bebeth pwede ba tama na, sabihin mo na sa’kin nang diretso ang dahilan kung bakit ka niya binugbog! Parang gusto na rin kitang bugbugin eh!” inis na sabi ni Ligaya.

“E ‘wag ka kasing sumingit sa pagkukuwento ko, eto na nga, nagpabili na lang siya ng tinapay, tapos pagbalik ko galit na galit na siya, kasi naiwanan ko pala ‘yung pinaplantsa ko na susuutin niya pag-alis, kaya ayun nasunog, umalis siya na galit na galit, pagbalik niya lasing na siya at naalala niya lahat ang kapalpakan ko kaya…binugbog niya ko…”

“Ah ‘yun pala ‘yon!”

Nakaramdam ng awa si Ligaya kay Bebeth.

“E Ate Bebeth, bakit mo naman nasabi kanina na buti nakita mo ‘ko, kung hihingi ka na naman ng payo, e iyon pa rin ang payo ko, ang hiwalayan mo siya.”

“Hindi e…”

“Hindi na naman? Kung gano’n anong kailangan mo sa’kin? Diretsahin mo na’ko pakiusap naman!”

“Hihingi sana ko ng…p-p-…pamasahe, ang ibig kong sabihin uutang, kasi uuwi kami ng probinsya ng mga anak ko!”

“Pamasahe?”

“Oo pamasahe…”

“Magkano naman?”

“Kahit P500 lang…”

“P500?” nanlaki ang mga mata ni Ligaya.

“Oo P500…” (Itutuloy)