Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 604

Ika-18 na labas

“T-teka saan tayo pupunta, sino bang mga ‘yon?” tanong ni Ligaya.

“Hindi ko alam, dalawang lalaking nakasuot ng jacket na itim, hindi ko sila kilala!”

“Kung hindi mo sila kilala bakit nila tayo babarilin?”

“Baka ikaw, baka ikaw ang target nila!”

“Ako? Wala akong kaaway maliban kay Kuya Lusyo na sumama ang loob sa’kin dahil iniwan siya ng asawa niya, pinayuhan ko kasing iwan siya pero itak lang ang sandata niya, wala siyang baril at wala siyang jacket na itim! Kung si Ka Berta naman na binato ko ang bahay, lalong walang baril ‘yon? hindi rin naman siguro ‘yung mga pokpok do’n sa kanto na paborito akong pagtsismisan!”

Naisip ni Jonas, hindi kaya may kinalaman ito sa uncle niya… baka nakilala siya ng mga ito…

“Ano na? ano nang gagawin natin?” takot na tanong ni Ligaya.

“Teka, may iba pa bang daan dito?”

“Daan? Ahm, do’n kaya lang ang labas no’n sa highway!” itinuro ni Ligaya ang daan patungo sa highway.

“Okay let’s go, do’n tayo sa highway!”

“Mabuti pa magtago na lang tayo!”

“Saan tayo magtatago rito, mukhang masyadong maliit ang park na’to para hindi nila tayo makita!”

“Teka nga muna, bakit ba’ko sasama sa’yo e hindi naman ako ang kailangan nila, buti pa do’n ka sa highway dito ako!”

“Okay fine!” sabay talikod na ni Jonas sa dalaga.

Napahugot naman ng malalim na hininga si Ligaya nang makitang papalapit na ang mga humahabol sa kanila. Kaya naman…

“HOY HINTAYIN MO’KO!” habol ng dalaga sa binata.

Hawak ang flashlight ay inilawan ni Ligaya ang madilim na daan ng highway.

“Hindi na kaya nila tayo masusundan dito?” tanong ni Jonas.

“Kung tagarito lang sila malamang kasunod na natin sila ngayon pero kung taga-ibang lugar sila puwedeng nailigaw na natin sila, kasi ang mga tagarito lang ang nakakaalam ng shortcut na’to sa highway patungong bayan.”

“Gano’n ba?…”

Saglit na katahimikan habang naglalakad sila. Si Jonas ang bumasag niyon.

“By the way I’m Jonas.”

Huminto ang dalaga sa paglakad.

“Jonas, okay ako si Ligaya, teka nga pala mabalik tayo sa usapan natin kanina, bakit ka ba nananakot, saka ‘yung mga nangyari sa bahay lahat ba ‘yon palabas lang? o baka naman nililinlang mo lang ako! Teka… baka…”

“Tumigil ka na nga sa kakaduda mo, sasagutin ko lahat ng tanong mo pero isa-isa lang!”

“Okay, nakikita mo ba ‘yung poste na ‘yon?”

“Oo.”

“Daan ‘yon patungo sa bayan, siguro naman bago tayo makarating do’n ay nasagot mo na lahat ang tanong ko.” pagkasabi niyon ay nagpatuloy sa paglakad ang dalaga.

Habang nagpapaliwanag si Jonas ay mahigpit naman ang kapit ni Ligaya sa rosaryo at bawang na nasa bulsa lang niya. Naniniguro lang siya na may panlaban siya sakaling magbago ang ihip ng hangin at biglang magbago ang anyo ng kasama niya.

Ilang saglit pa ay nasa bayan na sila. Magkasabay na silang sumakay ng tricycle patungo sa kanila. Magkasabay din silang bumaba dahil hindi naman nagkakalayo ang mga bahay nila.

“Ligaya, siguro naman dito na matatapos ang pag-iimbestiga at pagbuntot mo sa’kin?”

Tumango ang dalaga. Patalikod na ang binata nang muli niya itong tawagin.

“Sandali, ‘yung mga nagtangka sa’tin kanina, ‘di ba dapat i-report natin sa mga pulis?”

“Don’t worry about that, ako na ang bahala, goodnight.” Pagkasabi niyon ay ipinagpatuloy na ni Jonas ang pagpasok sa gate.

“Goodnight.” Pabulong lang na tugon ng dalaga.

Lumingon ang binata at may ipinakiusap sa dalaga.

“Kung puwede hangga’t maaari ‘wag mo ng ikuwento sa iba na tayo ang hinabol ng may baril sa park na ‘yon.”

“Okie.” Sabay tango ni Ligaya. (Itutuloy)