Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Ika-17 na labas

Binuksan ni Ligaya ang flashlight at inilawan ang binata. Ang binatang umiihi.

“EEEEEE!” tili ng dalaga nang makita ang hindi niya dapat makita na tinamaan ng liwanag mula sa flashlight.

“SSSHHH! SHHHH!” saway ni Jonas na nagulat nang makita siya.

“Itaas mo! Itaas mo!” natatarantang sabi ng da­laga.

Agad namang itinaas ni Jonas ang dalawang kamay.

“Itaas mo sabi! Itaas mo!”

“Nakataas na!”

“Hindi ‘yan! ‘Yung …‘yun! ‘Yun!” sabay turo ni Ligaya sa nakababa pang zipper ng pantalon ng binata.

Agad naman iyong itinaas ng binata at isinara. Sabay takip sa bibig ng dalaga na sa tingin niya ay dudugtungan pa ang pagtili.

“Tumahimik ka nga! Shut up!”

“Umm, ummp!” ang hindi makasalitang dalaga dahil sa kamay na nasa bibig niya.

Pinakawalan siya ni Jonas.

“Ang baho ng kamay mo, hindi ka pa nga nag­hugas!” galit na sabi ni Ligaya.

“Ano bang ginagawa mo, bakit mo ako sinusundan?”

“E kasi a-akala ko may bibiktimahin ka na naman!”

“Bibiktimahin? So totoo nga na ikaw ang nagpapakalat na aswang kami?”

“T-totoo naman di ba, nu’ng isang araw nga may biniktima ka ritong lalaki, bigla na lang siyang naglaho!”

Related Posts

“Ibig sabihin din talagang sinusundan mo ang bawat kilos ko?”

“Aminin mo na kasi!”

“‘Yung lalaki pinagtanungan ko lang kung saan ang CR dito, ayun o, itinuro niya sa akin ang CR na ‘yon, kaso malayo pa ‘ko amoy ko na ang panghe, malamang kasi walang naglilinis no’n kaya mabuti pang dito na lang ako umihi sa likod ng mga ha­laman!”

“G-ganern?”

“Gano’n nga! Alam mo bang pwede kitang idemanda diyan sa pinaggagagawa mo!”

“Alam ko at alam mo rin bang pwede rin kitang idemanda dahil sa pananakot mo sa akin! Baka akala mo nalimutan ko na ‘yung mga nangyari do’n sa bahay, kung hindi ka totoong aswang malamang tinatakot mo lang ako at pinaglaruan!”

“Hindi lang libel, kundi idedemanda rin kita ng trespassing!” singit ng binata.

“A gano’n pwes magkita tayo sa korte!”

Pagkasabi niyon ay ginulantang sila ng putok ng baril. Napayakap si Ligaya sa binata sa sobrang gulat nang masundan pa ang putok na iyon. Nagulat rin si Jonas pero hindi lang sa putok kundi ma­ging sa yakap ng dalaga.

Mukhang sila ang pinatatamaan. Nagsimulang magkagulo ang iilang tao na lang na nasa park.

“Ek ANO BA ‘YON!” sigaw ng dalaga.

Hinila ni Jonas ang dalaga papunta sa mapunong bahagi ng park. Tumakbo lang sila nang tumakbo hanggang sa mapatid si Ligaya sa nakaharang na bato at dahil sa sobrang lapit ng distansya nila Jonas ay napatid din ito at halos sabay silang bumagsak sa damuhan. Si Ligaya ang napunta sa ilalim dahil siya ang unang bumagsak. Saglit silang nagkatitigan.

Parehong blangko ang isipan. Nagtatanong kung ano ba ang pwede nilang isipin sa isa’t isa maliban sa pagdududa?

Inis na itinulak ni Ligaya ang binata palayo sa katawan niya.

“Tumayo ka nga diyan, ang bigat-bigat mo!”

“Sorry naman, nakakahawa kasi ang pagkalampa mo pati tuloy ako napatid din!”

Hindi tinulungan ng binata na makatayo ang dalaga. Kaya panay irap nito sa kanya.

“Thank you ha ang gentleman mo!” asar na sabi ng dalaga habang pinapagpag ang dumi sa suot niyang shorts.

Hindi tumugon ang binata. (Itutuloy)