Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 604

Ika-15 na labas

Nang mga sumunod na araw nga ay kumalat ang balita na may gumagalang aswang sa bayan ng Pila. Ilang tao kasi ang napabalitang nawawala. Kaya naman ang tsismis na ikinalat ni Ligaya ay kinagat ng mga tsismosa sa kanto maging ng mga customer ng tatay niyang barbero.

“Romulo mukhang totoo ang sinasabi ng anak mo na napasok na ng mga aswang ang bayan natin ah?” anang customer na kasalukuyang ginugupitan ni Mang Romulo.

“Mahilig lang talaga sa mga nakakatakot na pelikula ang anak ko kaya kung anu-anong pumapasok sa utak!” tanggi ni Mang Romulo.

“E ibig bang sabihin no’n gumagawa lang ng kuwento si Ligaya?”

“Hindi naman sa nag-iimbento lang siya o ano, sa tingin ko diyan baka nagsususpetsa lang siya doon sa mga bagong salta rito sa atin.”

“Naku e gano’n na rin ‘yon, ang sabi nga sa ka­sabihan, kapag may usok siguradong may apoy kaya malamang may basehan ang anak mo sa suspetsa niya.”

Hindi na sumagot si Mang Romulo para hindi na humaba pa ang usapang iyon.

Pagdating sa kanila ay hinanap agad ni Mang Romulo ang anak.

“Bakit po ‘tay?” tanong ni Ligaya na tinutulu­ngan ang nanay niya sa pagtitiklop ng mga pininaw na damit.

“Ano na naman bang kalokohan itong ipinagkakalat mo?”

“Kalokohan po?”

“Hoy Ligaya ‘yung ikinakalat mong tsismis ay hindi basta-basta, mabigat ang paratang mo, alam mo bang balak nang magronda ng mga ka-lugar natin?”

“Magronda po?” gulat ang dalaga.

“Oo, kasi pinaniniwalaan nila ang mga kuwento mo tungkol sa aswang at naniniwala silang may kinalaman nga ito sa mga nawawalang tao ngayon dito sa atin!”

Napalunok si Ligaya.

“Anak kailangan gawan natin ito ng paraan bago pa lumaki ang gulong ito na pinasok mo.” Si Aling Amor.

“Nay, ‘tay patutunayan ko po sa inyo na nagsasabi ako ng totoo! Na tama ang mga hinala ko!”

“Ang dapat mong gawin, manahimik ka, ikandado mo ‘yang dalahirang bibig mo!” sabay hagis ni Mang Romulo ng isa sa mga tikluping damit na na-syut at tumakip sa mukha mismo ng dalaga.

“Tay naman eh!”

Ang totoo ay hindi pa alam ni Ligaya kung paano nga niya ito mapatutunayan. Pero kailangan makaisip siya ng paraan.

Nang sumunod na gabi nga ay nagronda ang mga kababayan ni Ligaya at tinapatan nila ang malaking bahay.

“Manang bakit ang daming tao sa labas at me­ron pa silang mga kahoy na may apoy at may matutulis na kawayan?” nagtatakang tanong ni Jonas habang nakasilip sa bintana mula sa ikalawang palapag ng tatlong palapag na bahay.

“Sulo ang tawag do’n… baka tayo ang pinagbi­bintangan nila na aswang at siyang nanguha ng mga nawawalang tao dito sa lugar nila…”

“What?” sabay tingin ni Jonas sa matanda na nakakunot ang noo.

“Nu’ng isang araw narinig ko ang pinagkukuwentuhan nila sa tindahan at ‘yung dalagang si Ligaya… sa tingin ko siya ang puno’t dulo ng mga maling kuwento…”

“So what are we going to do now?”

“Wala. Wala tayong gagawin. Kailangan lang si­guro ay maipagawa na ang gate para maging matibay ito at hindi tayo mapasok ng mga tao.”

Napapailing na muling sinilip ni Jonas ang mga tao sa labas ng gate. Hinanap ng mga mata niya si Ligaya pero hindi niya ito namataan doon. (Itutuloy)