Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Ika-14 na labas

“Naku naman na langgam ‘to umeeksena pa talaga!”

At sa muling pagtunghay niya ay wala na ang dalawang lalaki.

“Teka asan na ‘yung mga ‘yon?…nakupo bigla na lang silang naglaho, sinasabi ko na nga ba!”

Nang sumunod na gabi naman ay naalimpungatan si Ligaya kaya tumayo siya at kumuha ng tubig sa kusina. Habang umiinom ay namintana ang dalaga at tumanaw sa malaking bahay.

“Kailangan malaman ko na ang sikreto nila bago pa man sila makapaghasik ng lagim dito sa lugar namin…”

Sakto namang para­ting ang binata. Habang papasok ng gate ay sinalubong na ito ng matandang babae na nagpali­nga-linga pa bago tuluyang isara ang gate.

“Mukhang takot na takot silang may makakita sa kanila samantalang ang lalim na ng gabi at tulog na ang mga tao!”

Kinabukasan. Sa tindahan ni Ka Iska.

“Totoo ba Ligaya?”

“Ay naku Ate Sol, Ka Iska, maniwala kayo sa’kin kitang-kita ng mga tantalizing eyes ko kung paano tumatakas sa gabi ang lalaking ‘yon, at biglang naglalaho! Tapos ‘yung matanda naku kung makikita n’yo lang ang mukha nu’ng nandoon ako sa kanila, takot na takot, para talagang may itinatago!”

“Naku Gayang ha, tsismis ‘yan, saka parang ikaw pa lang ang nakakaalam na may bago nang nakatira diyan sa haun­ted house!” si Sol na hindi makapaniwala sa kuwento ng dalaga.

“E pa’no nga ako lang naman ang nag-oober da bakod do’n at saka nagtatago nga sila di ba, takot sila sa liwanag kaya gabi lang sila umeeskyerda para mambiktima!”

Related Posts

“Kung gano’n bakit wala pang nababalitang biktima o pinatay ng bampira o asuwang?” tanong naman ni Aling Lydia na nakiumpok sa kanila.

“Malamang kasi itinatago nila ‘yung mga biktima nila!”

“E bakit wala pang napapabalitang may mga nawawalang tao?” tanong ulit ni Aling Lydia.

“Kasi nga baka isa pa lang ‘yon o kaya nag-uumpisa pa lang silang mambiktima!”

“Alam n’yo sa edad kong ito, marami na akong karanasan tungkol sa mga asuwang na ‘yan, kaya naniniwala ako kay Ligaya!” segunda ni Ka Iska.

“O kita n’yo na ha, ang komentong ‘yan ay mula sa pinakamatandang tao dito sa lugar natin!”

“Grabe ka naman Ligaya, buhay pa si Ka Mileng, siya ang pinakamatanda, nobenta na ‘yon eh otsenta lang ako!” reklamo pa ni Ka Iska.

Nang sa darating si Rick. Narinig nito ang pinag-uusapan ng mga tambay sa umpukan. Inakbayan niya ang bestfriend at bahagya itong inilayo sa tindahan.

“Bff, alam mo bang pwede kang makasuhan ng libel sa ginagawa mong ‘yan?”

“Libel? Hindi naman ako naninira ng tao ah, asuwang ang mga sinisira ko para hindi makapaminsala dito sa’tin!”

“Pwede ba hindi ka na bata para maniwala pa sa mga asuwang kaya kung ako sa’yo tigilan mo na ‘yan bago ka pa mapahamak.”

Hindi kumibo si Ligaya. Napakunot ang noo niya nang mahagip ng mga mata niya ang matandang babae mula sa malaking bahay habang padaan ito at makahulugang tumingin sa kanya.

“LIGAYA! Asan na ba ‘yung pinapabili kong toyo, aba’y katagal mo naman, bilasa na ‘yung iaadobo kong galunggong ah!” si Aling Amor na papalapit.

“Opo eto na po ‘nay!” sagot ng dalaga na sinundan ng tingin ang palayong si Manang Eva. (Itutuloy)