Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 604

Ika-11 na labas

“W-wala rin po.”

“Sige na Ligaya, pumasok ka na at baka mahuli ka pa sa klase mo.” Si Mang Romulo.

Dahil sa nalaman ay lalong naging interesado si Ligaya na alamin ang totoo. Binantayan niya ang bahay sa libreng oras niya.

Isang gabi. Kasalukuyan siyang nakapamintana at nakatanaw sa malaking bahay nang may mamataan siyang lumabas mula sa gate nito. Ang lalaking naka-hood!

Lumabas si Ligaya at balak sanang sundan ang lalaki nang biglang may dumaang tricycle bago pa man siya makatawid kaya sa isang iglap ay naglaho ito sa paningin niya.

“Tsk, tsk, ang bilis naman no’n!”

May naisip siyang paraan kung paano makakapagmanman sa malaking bahay. Bumalik siya rito at umakyat sa puno ng aratiles. Dala ang lumang tirador ng ama ay inasinta niya ang bukas na bintana ng jalousie.

“Matagal-tagal ko na’tong hindi nagagawa, ngayon na lang ulit… sana asintado pa’ko… kapag may tinamaan sa loob ibig sabihin may tao… okay lang maliit na bato lang naman ‘to… ngayon malalaman ko kung may nagpapanggap na multo sa loob!”

Kakausod ni Ligaya ay napatapak siya sa manipis na sanga ng puno, dahilan para mawalan siya ng balanse at sa ikalawang pagkakataon ay mahuhulog siya sa madamong lupa. Subalit sa pagkakataong ito ay may mga bisig na sumalo sa kanya bago pa man tuluyang lumapat ang katawan niya sa damuhan.

Guwapo sana ang mukha sa loob ng hood na iyon pero maitim ang ilalim ng mga mata at may dugo sa bandang bibig, kaya naman…

“EEEEEEEE!” tili ni Ligaya bago siya nahimatay sa nerbiyos.

“Jonas, punasan mo nga iyang tinta sa mata mo, saka ‘yang ketchup sa bibig mo, pa’no kung mamatay ‘to dito?” ang tinutukoy ni Manang Eva ay ang dalagang nawalan ng malay na inihiga nila sa sofa.

“Nahimatay lang patay agad?”

“Hay naku bata ka, tama na ha, tama na ‘yang pananakot mo, baka kung ano pang kahantungan niyan, hindi na kita kukunsintihin, saka mamaya makita pa’to rito ng uncle mo pareho tayong malilintikan!”

“E kasalanan naman niya eh, punta siya nang punta rito kahit alam niyang may multo! Masyado siyang nagmamatapang!”

“Malamang hindi siya kumbinsido na may multo nga, oh saglit lang ha, kukunin ko lang ‘yung whiteflower ko sa kuwarto para mahimasmasan na ‘yan.”

Nang maiwan ay tinabihan ni Jonas ang babae sa sofa. Tinitigan niya ang mukha nito. At habang tinititigan niya ito ay tila may kung anong bahagi ng puso niya ang kumislot. Inilapit pa niya ang mukha niya rito at noon niya malinaw na nakita ang simpleng ganda na tila magnet na humihigop sa kanya para titigan pa ito ng matagal.

“Maganda siya ‘di ba?” pinukaw ni Manang Eva na nagingiti ang tila nahipnotismong binata sa pagkakatitig sa dalaga.

“Medyo lang, teka Manang Eva, ayokong makita niya ako.”

“O sige na, ako ng bahala, pumanhik ka na sa itaas.”

Maya-maya pa ay nahimasmasan na si Ligaya. Napabalikwas pa siya ng bangon sa sofa nang makita ang matandang babae na nakatayo sa harapan niya.

“Mabuti naman at nagkamalay ka na, nakita kitang walang malay sa labas kaya dinala kita rito,” Pagsisinungaling ng matanda.

“T-teka sino po ba kayo?”

“Ako ang bagong katiwala rito sa bahay. Ako si Manang Eva.”

“Ako naman po si Ligaya!” (Itutuloy)