Una sa Balita

Mr. & Ms. Trouble

0 599

Unang labas

Katanghaliang tapat. Mataas ang araw kaya naman tahimik ang kalye Miranda ng Pila, Laguna. Pero kung ang karamihan ay nagsisiyesta, si Ligaya naman ay inaabala ang sarili sa isang bagay na nakagawian na niyang gawin — ang mag-ober da bakod sa malaking bahay na matagal nang abandonado.

Suot ang isang simpleng t-shirt at maong na short, solo nang nagsadya rito ang dalag­a ‘di gaya ng dati na laging kasa-kasama ang kakambal niya. May tatlo kasing puno ng aratiles sa loob na wala mang nag-aalaga ay kusang yumayabong. Ito ang paborito ng disiotso anyos na dalaga kaya naman kahit pagsabihan siya ng ina ay sige pa rin ang pag-akyat niya sa may kataasang bakod ng tinatagurian na ng ibang haunted house.

Bago sumampa sa bakod ay nagpalinga-linga muna si Ligaya habang ipinupusod ang lampas balikat na haba ng buhok. Sinigurong hindi magiging sagabal ang buhok at sinigurong walang makakapansin sa pagpanhik niya para makaiwas siya sa sermon ng ina. Nang walang makitang tao sa paligid na posibleng magsumbong sa ina ay mabilis na niyang inakyat ang gate na ayon sa kanya ay kasundo na niya.

Pero nagkamali siya ng hakbang at nahulog.

“Aray!” hawak ang binti, pinilit pa ring makatayo ni Ligaya mula sa pagbagsak.

“Wow naman, ang sakit no’n ah! Kala ko ba okay na tayo gate ha?” reklamo pa ng dalaga.

Bitbit ang isang plastic iika-ika siyang lumakad palapit sa unang puno ng aratiles na naka­harap mismo sa main door ng bahay.

“YES! Marami-rami ang bunga mo ngayon ah, very good ka Da first!” kausap ni Ligaya sa puno na tinawag niyang Da first.

Matapos makakuha sa unang puno ay lumipat naman sa punong pinangalanan niyang Da second si Ligaya kung saan malapit ito sa ga­wing kusina ng bahay.

“Naku mapupuno na ang plastic ko, pero kailangan ko rin mapitasan si Da third kasi baka magtampo siya!” ang ibang aratiles ay isinilid na lang ni Ligaya sa bulsa ng short niya.

Nang makasampa sa huling puno kung saan malapit ito sa bintana ng isang silid sa bahay ay natigilan si Ligaya. Tila may nadaanan ang mata niya na gumalaw mula sa loob ng silid.

Related Posts

“Teka, ano ‘yon?”

Kinakabahang inaninag ni Ligaya ang loob ng silid mula sa maagiw na bintana ng jalousy.

Nang walang anu-ano’y biglang bumukas ang bintana kaya gano’n na lang ang nerbiyos niya at…

“EEEEEE!”

Dahil do’n ay nahulog siya sa puno. Mabuti na lang at medyo makapal na ang damo sa kinabagsakan niya kung hindi ay siguradong pilay o bali ang abot niya.

“Aray…aray ko…” daing ng dalaga. Pero nang maalala nito ang nakita niyang pagbukas ng bintana ay agad siyang napatayo.

“Jusko Lord, totoo ba ‘yon o guni-guni ko lang?”

Para makasiguro ay tumingala si Ligaya sa bintana ng silid at nanlaki ang mga mata niya dahil nakabukas nga ito.

“H-hindi nga guni-guni! Takbo na!”

Bago pa makatakb­o ay napasandal ang dala­ga sa haligi ng bahay nang makarinig naman siya ng mga yabag mula sa loob ng bahay. Napaantanda siya at napapikit.

“Diyos ko, tulungan n’yo po ako! Paminsan-minsan na lang po ako mamimitas ng aratiles pro­mise ‘wag n’yo lang po akong ipakita sa multo, haya­an n’yo po akong makalabas nang buhay!” usal ng dalaga.

Nakiramdam siya at nang wala nang maramdaman ay unti-unti niyang inihakbang ang mga paa palapit sa gate. Subalit hindi pa man siya nakakalayo sa kinatatayuan ay nahagip na ng sulok ng mga mata niya na tila may nakamasid sa kanya mula sa main door.

Marahan ang na­ging paglingon niya hanggang sa bumulaga sa kanya ang isang lala­king nakasuot ng itim na jacket na may hood. Nakatayo sa main door at galit na nakatingin sa kanya. (Itutuloy)