Una sa Balita

MOU ng #GoodbyeGutom program aarangkada na

0 339

Pormal nang nalagdaan ng mga katuwang na ahensya ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa programang #GoodbyeGutom sa bansa na ginanap sa Malacañang ngayong Lunes.

Malugod tayong pinaunlakan nina DSWD Secretary Rolando ­Joselito Bautista, DAR Secretary John R. Castriciones, DA Secretary William A. Dar, DILG Secretary Eduardo M. Año, DepED Secretary Leonor M. Briones, DOH Secretary Francisco T. Duque III, DOST Under Secretary Brenda L. Nazareth-Manzano, DTI Secretary Ramon M. Lopez, TESDA Secre­tary Isidro S. Lapeña, NAPC Secretary Noel K. Felongco, NIA Administrator Gen. Ricardo R. Visaya, LBP President and Chief Executive Officer Cecilia C. Borromeo, PopCom Deputy Executive Director Lolito M. Tacardon, BJMP Director Allan S. Iral, NNC Executive Director Azucena Dayanghirang, UN-WFP Deputy Country Director Mats Persson at UN-FAO Representative Tamara Palis Duran upang makilahok sa seremonya ng paglalagda.

Ang Tanggapan ng Kalihim ng Gabinete katuwang ang mga nabanggit na ahensya ay nagkaisa para sa agarang pagpapatupad ng programa upang supilin ang kagutuman sa bansa tungo sa ­tuluyang pagkagupo nito sa ­taong 2030. Sila ang mga pinuno ng ahensyang nagtulong-tulong upang mabilis na maisapinal ang programa at pormal nang malagdaan ang MOU.

Hindi lingid sa ating kaalaman na marami tayong mga kababayang nakakaranas ng gutom. Batay sa isang survey na isinagawa noong sa unang quarter ng 2019 ay napag-alamang 9.5% o tinatayang 2.3 milyong pamilya ang nakararanas ng involuntary hunger isang beses sa loob ng nakalipas na tatlong ­buwan.

Sa pagkakataong ito, kung may dapat na ikagalit, ito ay ang katotohanang may mga kababayan pa rin ta­yong nagugutom – na mayroong mga bata na nakakaranas ng gutom. ­Hindi dapat ­mangyari ito. ­Hindi natin ­puwedeng hayaan na mangyari ito. Ang mga bata sa ­bansang ito ay nararapat na mabigyan ng maayos na buhay.

Ito ang rationale sa likod ng pakikilahok ng iba’t ibang ahensiya sa Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty program (EPAHP) – isang pinagsanib at pinaigting na programa na layuning mapataas ang ani sa mga bukirin at kumita ang mga magsasaka, tiyakin na may sapat na pagkain at wastong nutrisyon sa bawat mesa, at mapawi ang kagutuman at malnutrisyon sa mga lungsod at kanayunan.

Ang naging basehan ng pagsasanib pwersa ng mga ahensiya ay nakaangkla sa aming commitment sa Sustainable Development Goals na nakapaloob sa Philippine Development Plan 2017-2022 at pagtalima sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabawasan ang poverty incidence ng hanggang 14% sa taong 2022. Nais nating mabawasan ng 25% ang kagutuman sa bansa sa loob ng dalawa at kalahating taon upang maibsan ang hunger incidence ng hanggang 75% sa loob ng pito at kalahating taon.

Ikinagalak natin ang resulta ng official poverty statistics na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan makikita na bumaba sa 16.6% ang poverty incidence noong 2018 kumpara noong taong 2015 na nasa 23.3%. Indikasyon ito na matagumpay ang mga isinusulong ng gobyerno na programa kontra kahirapan upang maibsan ang nararanasang gutom sa iba’t ibang panig ng bansa.

Inaasahan natin na sa lalong madaling panahon ay masisimulan na ang pagpapatupad nito sa 32 priority provinces upang tuluyan nang masugpo ang kagutumang nambibiktima sa mga napag-iiwanang sektor ng lipunan sa bansa. Sama-sama tayong kumilos. Sama-sama tayong magtrabaho. Sama-sama tayong makipagtulungan para masigurado na hindi na kakalam ang sikmura ng ating mga kababayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More