Una sa Balita

Motorsiklo, MUV at truck nagkarambola sa Caloocan

By
0 1,310

TUMILAPON at bumagsak na una ang ulo ang lalaking nakaangkas sa motorsiklo matapos itong bumangga sa isang multi utility vehicle (MUV) at truck na may lamang beer kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Sa ulat ng Caloocan City Police-Traffic Unit, alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng 7th Avenue at 2nd Avenue, Barangay 105 ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umano noong binabaybay ng motorsiklong may plakang ZP 4112 na inaangkasan ng biktimang si Rey Francisco, 27-anyos, binata, na minamaneho naman ng kanyang kaibigang si Reggie Luza pawang taga-Aquino Street ng parehong lugar.

Bigla na lamang na sinalpok ng isang humaharurot na Isuzu Tractor Head na may plakang RJK 826 at may lamang mga beer na umano’y contractor ng San Miguel Corporation ang isang Toyota Innova na may plakang VQ 6784 na minamaneho naman ng isang Anna Kristina Chu na nasa likuran ng sinasakyan ni Francisco at Luza kaya’t nadamay din dito.

Sa lakas ng impact ay tumilapon nang ilang metro si Francisco at nang bumagsak ay humampas ang kanyang ulo sa sementadong kalsada. Mabilis naman siyang nasaklolohan at naisugod sa Manila Central University (MCU) Hospital ngunit hindi na rin pinalad pang mabuhay at nasawi habang nilalapatan ng lunas.

Nasa maayos na ring kalagayan ang driver ng Innova at kaibigan ni Francisco na nagtamo ng minor injuries.