Una sa Balita

Motornapper timbuwang sa Batangas shootout

0 454

Patay ang diumano’y notoryus na miyembro ng carnapping at robbery group makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng Highway Pat­rol Group (HPG) sa isang entrapment ope­ration sa Sto. Tomas, Batangas kahapon.

Kinilala ng Sto. Tomas Police ang nasawi na si Dominador Espeleta, residente ng Muntinlupa City at da­ting miyembro ng nabuwag na Landrito-Bombassi Criminal Group na sangkot sa mga kaso ng robbery holdup at carnapping sa Southern Metro Manila at Sou­thern Tagalog.

Agad nasawi ang suspek matapos na magtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan sa engkuwentro na naganap dakong alas-12:10 Huwebes nang hatinggabi.

Ayon kay PCapt. Jet Sayno, provincial officer ng HPG Batangas, ikinasa ang entrapment operation laban sa suspek matapos matunugan ng HPG na may ibinebenta itong isang motorsiklo na natuklasang nakaalarma at ninakaw sa Cavite.

Dumating ang suspek na sakay ng isang Yamaha Mio sa lugar kunsaan sila magkikita ng asset subalit nakahalata itong patibong ang transaksyon kaya pinasibad nito ang motorsiklo patu­ngo sa direksyon ng Lipa na hinabol naman ng mga awtoridad.

Nasukol ito sa ba­hagi ng Sto. Tomas, Lipa road sakop ng Barangay Sta. Teresita subalit sa halip na sumuko ay pinaputukan ang papalapit na mga awtoridad na agad ding gumanti ng putok.

Narekober mula sa suspek ang isang kalibre 45 baril. (Ronilo Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy