Una sa Balita

Motorcycle taxi bigyan ng proteksyon

0 232

Sa conservative estimate ng DoTr, umaabot sa 200,000 ang bilang ng ­habal-habal sa buong bansa. ‘Yan ang sabi ni Engr. Alberto Suansing, dating ­pinuno ng LTO at LTFRB at tumatayong ­tagapagsalita ng Technical Working Groung (TWG) on ­Motorcycle Taxi.

Ayon kay ni Engr. Suansing, “Kung ­pagbabatayan ang bilang ng rehistradong motorsiklo na umaabot sa pitong milyon, maaaring mas marami pa ang bilang nang pumapasadang motorsiklo.”

Mariing sinabi ni Engr Suansing na hindi pinapayagan ng R.A. 4136 ang paggamit ng motorsiklo bilang pampasada. Ang pilot run na ipinag-utos ng ­Kongreso at ginagawa ng TWG ay hindi prangkisa para maging ligal na ang ­pagpasada, kundi para lamang pag-aaralan at gumawa ng mga ­nararapat na alituntunin kung sakaling gawin nang ligal ang motorcycle taxi.

“Ang anumang batas na ibubunga ng pag-aaral ay magiging ­batayan para sa pagsasa-ayos ng habal-habal hindi lamang sa Metro Manila kundi pati sa mga probinsiya,” sabi ni Engr Suansing. Sa pagrami ng habal-habal sa lahat ng sulok ng bansa, nararapat na magkaroon na rin ng mga patakaran at panuntunan para tiyakin ang kaligtasan ng mga gumagamit nito.

Isang halimbawa ay ang ahensiya ng pamahalaan na sasakop sa mga habal-habal. Ang lahat ng 4-wheelers na ginagamit sa ­negosyo ay nasa ilalim ng pamamahala ng LTFRB, samantalang ang mga ­tricycle (3-wheelers) ay sa ilalim ng mga LGUs. Sinong ahensiya ang ­magbabantay sa mga habal-habal (2-wheelers)? Gagawa ba ng bagong ahensiya para sa mga eto?

Sa ngayon, ang mga kumpanya ng ride-sharing ay kinikilala ­bilang TNC tulad sa Grab. Kung ganoon, ang mga riders at motorsiklo ng mga ride-sharing ay dapat na ipalista bilang mga TNVS, tulad din ng ­ginagawa sa Grab. Pero malayo pa sa 39,000 ang listahang isinumite ng Joyride, Angkas at Moveit.

Para rin maitakda ang nararapat na pamasahe, dapat ding ­malaman kung magkano ang kinikita ng bawat rider kada biyahe at kada araw. Nararapat din na malaman ng ahensiya kung magkano ang kikitain ng mga negosyanteng ride-sharing. Ayon kay Engr. Suansing, ang ­impormasyon na ito ay hindi pa ibinibigay sa TWG hanggang ngayon.

Isa pang katanungan ay tungkol sa status ng mga rider. Sila ba ay empleyado ng Joyride, Angkas at MoveIt? Sa isang rally sa ­Mendiola, may isang streamer na nagsabing “Riders are Workers”. Dapat ­siguruhin ng DOLE ang kanilang mga karapatan at kapakanan. Tulad sa PUVMP, dapat na magkaroon ng maximum na oras ng pasada, para na rin sa kaligtasan ng rider at ng pasahero.

May isang tagasu­baybay ang nagtanong kung anong mga pamamaraan ang ginagamit upang maiwasan ang pagkalat ng lisa at kuto mula sa mga helmet na ginagamit ng iba’t ibang tao. At para na rin sa ­kaligtasan, nararapat na ang ­helmet ay akma sa sukat ng ulo ng pasahero (small, medium o large). Hindi puwede ang on-size-fits-all dahil delikado ang umaalog na helmet.

Sa mga pagkilos ng mga riders noong Disyembre, maraming ­senador at kongresman ang naki-angkas sa isyu (pun intended). Kung totoong nagdurugo ang kanilang puso para sa kapakanan ng mga riders, ang dapat atupagin nila ay ang paggawa ng bagong batas na kikilala sa habal-habal sa lalong madaling panahon, bago matapos sa Marso ang tatlong buwan na extended pilot run.

‘Yan ay kung totoo ang kanilang pagmamalasakit.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More