Una sa Balita

Motorboat tumirik sa laot ng Batangas, 9 turista nasagip

By
0 869

NA-RESCUE ng mga mangingisda ang siyam na turista na sakay ng isang bangka na tumirik sa laot sa pagitan ng Fortune Island at Nasugbu, Batangas noong Linggo ng hapon.

Ayon sa Nasugbu police, pauwi na sa Nasugbu Port ang motorboat na M/B CA Jeprox nang masira ang makina nito bandang alas-singko ng hapon.

Galing sa Fortune Island ang bangka sakay ang siyam na turista na nagbakasyon doon.

Agad humingi ng tulong sa pamamagitan ng two way radio ang ope­rator nito na si Robelito Katigbak.

Makalipas ang isang oras, dumating ang bangkang M/B CA Alvin Chester 44 at hinatak patungo sa ligtas na lugar ang bangka.

Ligtas ding naibalik sa Nasugbu Port ang mga turista bagama’t ang mga ito ay nakaramdam ng masidhing takot dulot ng isang oras na pagka-stranded sa laot.

Samantala, ligtas na ang 17 mga crew ng isang barge na nawala dagat malapit sa Fortune Island noong Linggo ng umaga.

Ayon kay Lt. Col. Joel Ogorida, commander ng Philippine Coast Guard (PCG) ang PCG vessel na MRRV 4409, kamakalawa ng alas-6:45 ng gabi nang matagpuan nila ang nawawalang LCT Aviva 5 barge na pag-aari ng Aviva Pacific Shipping Corporation sa karagatan malapit sa Busuanga, Pa­lawan, 153 milya ang layo mula sa huling natukoy na lokasyon nito.

Ligtas naman ang 17 crew nito bagama’t nakaranas ang mga ito ng hirap sa dalawang araw na palutang-lutang lamang sa karagatan.

Ayon sa mga crew ng barge, galing sila sa Fortune Island nang masira ang makina ng barge at naanod sila patungong west direction.

Agad namang nagsagawa ng aerial and water search and rescue ang mga tauhan ng PCG na sakay sa isang barko malapit sa area.

Hinatak na ang barge patungo sa Lubang island sa Mindoro Occidental para kumpunihin ito.