Una sa Balita

‘Most wanted’ na kriminal sa Taiwan nadakip sa Rizal

By
0 153

NAARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang No. 1 most wanted na kriminal sa Taiwan sa Cainta, Rizal.

Kinumpirma ni Immigration Commissioner Jaime Morente na nakakulong na sa BI Detention Center sa Bicutan si Oren Shlomo Mayer.

Si Mayer ay pinaghahanap ng mga awtoridad sa Taipei dahil sa pagpatay, pag-chop-chop sa labi at pagtapon ng bangkay ng isang Canadian teacher.

Naaresto si Mayer noong Setyebre 6 sa Cainta, Rizal ng pinagsanib na puwersa ng BI-Fugitive Search Unit at Phlippine National Police (PNP).

Nakatakda umanong ipa-deport si Mayer para maiharap ito sa paglilitis sa kasong pagpatay kay Sanhay Ryan Ramgahan noong Agosto 21.

“We have received information both from US and Taiwan authorities about Mayer’s crimes, and both request that he be deported to Taiwan,” saad ni Morente.

Nabatid na si Mayer na nagtatago rin sa alyas na ‘Oz Diamond’ ay dumating sa Maynila noong Agosto 25, apat na araw matapos masangkot ang kanyang pangalan at dalawang iba pa sa pagpatay kay Ramgahan sa Yonghe District sa Taipei.

Sinabi ni BI Intelligence Officer and FSU Chief Bobby Raquepo na si Mayer ay hinihinala ring bigtime supplier ng marijuana sa Northern Taiwan at ang pagpatay sa Canadian teacher ay maaring konektado sa iligal na droga.