Una sa Balita

Morales hinarang sa HK airport

0 235

HINARANG ng immigration authorities sa Hong Kong International Airport si dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Ayon kay Morales, nagtungo siya sa Hong Kong para sana sa isang bakasyon kasama ng kanyang pamilya.

Pero pagdating sa immigration counter, hindi siya pinayagan na makapasok sa Hong Kong.

Dinala siya sa isang hiwalay na kuwarto sa airport at sinabihan na ipapa-deport pabalik ng Pilipinas.

“Pinapasakay ako sa 6pm PAL flight mamaya. Immigration reason daw,” ayon sa pinada­lang text message ni Morales sa kanyang staff.

Wala naman naging paliwanag ang Hong Kong authorities sa ginawa nitong pagpigil kay Morales subalit maari umano na may kaugnayan ito sa nauna nang isinampang kaso ni Morales at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario laban kay Chinese Pre­sident Xi Jinping noong Marso 13 sa International Criminal Court ng kasong paglabag sa humanity dahil na rin sa pagpapatupad ng systematic plan ng Beijing para kontrolin ang South China Sea.

Ayon sa ulat, duma­ting si Morales sa Hong Kong pasado alas-11:00 nang umaga kasama ang asawa, anak, hipag at dalawang apo.

Nagtataka rin ang abogado ni Morales na si Anne Marie Corominas dahil sa wala namang ginawang krimen ang dating Ombudsman.

Nabatid na pinayagan din si Morales kinahapunan na makapasok sa Hong Kong pero nagdesisyon na lang itong bumalik ng Pilipinas.

Hindi naman pinabayaan ng Malacañang si Morales matapos na utusan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na tulungan ang dating Ombudsman.

“I already called up Usec. (Ernesto) Abella as (Foreign) Sec. (Teo­doro) Locsin (Jr.) is in Myanmar, and reques­ted him to give assistance to former Ombudsman Morales and her fami­ly,” saad ni Presidential Spokesman Salvador Panelo. (Tina Mendoza/Prince Golez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy