Una sa Balita

Montero, CRV binulok ng Sandiganbayan

By
0 924

MAY P8 milyong halaga ng sasakyan ang nabubulok lamang sa parking space ng Sandiganbayan dahil sa ayaw gamitin ng mga opisyal, kabilang na ang isang mahistrado.

Ito ang napansin ng Commission on Audit (COA) sa ginawang pagbusisi ng pondo ng Sandiganbayan noong 2017.

Ayon sa COA, 10 mula sa 37 sasakyang nakarehistro sa ilalim ng Sandiganbayan ay na­ging walang silbi at depektibo mula pa noong Disyembre 31, 2017. Kabilang sa umayaw sa paggamit ng sasakyan ay isang justice ng anti-graft court.

“Motor vehicles with an aggregate acquisition cost of P8,474,973,08 have remained idle since these were returned/surrendered to the Pro­perty and Supply Section, thus continuously occupying significant space in the Court’s premises exposing them to deterioration, and likewise reducing its saleable value,” ayon sa COA sa kanilang 2017 audit report.

Kabilang sa mga sasakyang ito ay ang dalawang Honda CRV, dalawang Kia Sorento at isang Mitsubishi Montero Sport, na ayon sa COA, ang pagtambak lamang nito ay posibleng daan na rin upang maiwasang bumili ng pamalit na brand new.

Tinukoy ng COA ang Section 79 ng Government Auditing Code na nagsasabing “any unserviceable government property should either be destroyed or sold at public auction to the highest bidder depending on its assessed value. Under-utilization of these vehicles may indicate excessive units and may not justify the purchase of new ones.”

Sang-ayon naman ang Sandiganbayan management sa rekomendasyon ng COA para isailalim sa assessment ang service vehicles upang malaman kung hindi na ito maaaring gamitin o kailangan.

Kasabay nito, nasi­lip pa rin ng COA ang naantalang renovation ng Sandiganbayan Centennial Building sa may Commonwealth Avenue, Quezon City.

Ayon sa COA, ang P72 milyong inilaan para sa reconfiguration ng Sixth at Seventh Division offices na nasa ika-limang palapag ng gusali ay ibinalik na sa National Treasury dahil sa kakulangan ng approval mula sa Supreme Court.