Una sa Balita

Monopolyo sa kuryente

0 38

Mabuti naman at hindi basta na lamang nanahimik ang ilan sa ating mga mambabatas sa Kongreso kaugnay sa isyu ng pitong power supply agreement ng Meralco.

Iskandaloso ang mga nasiwalat na impormasyon sa joint hearing ng House Committee on Energy at Good Government and Public Accountability tungkol sa supply contracts ng Meralco.

Midnight deal, walang bidding, pinahaba ang deadline, overpriced at ang mga consumer ang papasan ng gastusin. Sa mada­ling salita, tadtad ng mga kuwestyonableng transaksyon ang pitong power supply agreement kung pagbabatayan ang mga diskus­yong nangyari sa joint hearing.

Pinuna pa ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang ‘usapang kapatid’ sa mga power supply agreement ng Meralco.

Ganito inilarawan ng kongresista ang mga transaksyon dahil mga sister company aniya ng Meralco ang kausap nito sa power supply agreements.

Kung ganito ang sitwasyon, may punto ang pagdududa ng mam­babatas na posibleng ‘magkaayusan’ na lang sa presyo. Mawawala ang kompetisyon sa merkado at sila-sila na lamang ang magpapatakbo sa industriya ng kuryente sa bansa. Kapag ganito ang nangyari, hahantong sa monopolyo o kartel na siyang magdidikta sa presyuhan ng supply ng kuryente.
Talo ang mga consumer sa bandang huli.

Abangan natin ang magiging resulta ng imbestigasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa isyu ng pitong power supply agreement ng Meralco.