Una sa Balita

Momshie lagare sa trabaho, nag-top 2 pa sa Guidance Counselor Board Exam

0 175

Isang produkto ng Cebu Technological University-Main ang nagtapos bilang Top 2 sa Guidance Counselors Board Exam na isinagawa noong Agosto.

Subalit hindi naging madali kay Lorille Mae Gesultura Aguilar ng Cebu, ang karangalang ito dahil lagare siya sa trabaho at duty bilang ina ng dalawa niyang anak.

Ang 33-anyos na ginang ay nagtatrabaho bilang guidance counselor ng University of San Carlos, kung saan siya ang gumagabay sa mga college at senior high student ng pamantasan.

Kahit ‘low-batt’ na ang katawan at isipan sa maghapong trabaho, kinakailangan pa niyang alagaan ang gradeschooler at isang 2-anyos na mga anak. Kapag nakatulog na ang mga anak, doon naman niya isinisingit ang pagrerebyu sa board exam.

Wala siyang katuwang sa bahay dahil ang asawa nito ay nakasampa sa barko bilang isang seaman.
Tatlong linggo bago ang board exam, halos sumuko na si Aguilar sa pinagdadaanang hirap kaya’t idinaan na lang niya ito sa iyak.

Nagbunga naman ang kanyang sakripisyo matapos lumabas ang resulta ng board exam kung saan nakakuha siya ng score na 89.60, ikalawa sa may pinakamataas na score.

Isa pang Cebuana ang nakapasok sa Top 10, si Joan Paula Barliso Geniston ng University of San Jose-Recoletos, na pumang-siyam sa score na 87.55.