Una sa Balita

Mommy Tiger ng Cebu: Palaban sa kantahan vs mga millennial

By
0 550

Anim na taon pa lang ay mahusay na raw kumanta si Mommy Esterlina ­Olmedo, o mas kilala ngayon bilang Mommy Tiger ng Cebu. Nagmarka nga ang boses, mukha ni Mommy Esterlina dahil sa pagsali niya sa “The Clash” ng GMA-7 kamakailan lang, kung saan umabot nga siya sa Top 8.

Ang “Pearly Shells” ni Nora Aunor nga ang una niyang pinag-aralang kantahin. Katunayan, nagpa-sample pa nga siya sa guesting niya sa online show namin ni Rey Pumaloy, ang “ABANTELLILING”, sa Abante News Online Facebook page, at Abante Tonite YouTube channel, at @abante_tnt. Pero dahil biritera nga siya, itinaas niya ang tono ng “Pearly Shells” ng tatlong nota.

“Noranian kasi ako bata pa lang ako,” sabi ni Mommy Tiger.
Ang kanyang ama raw ang nagturo sa kanya kung paano kumanta. At yes, mas nauna nga niyang naranasan ang kumanta sa tubig, kesa kina Regine Velasquez at Golden Canedo.

“Nilulubog ako sa drum noon hanggang leeg ng ama ko. May dagat din sa amin, pero malayo kaya sa drum lang. Tapos pinapakanta lang ako lagi,” saad niya.

Halos nalibot nga raw ni Mommy Tiger ang lahat ng singing contest sa Kabisayaan.

“Palagi ako sumasali sa mga contest sa pista-pista. Pero ang ‘The Clash’ ang pinakamalaki na achievement na natanggap ako.

“Sa Cebu, maraming beses talaga. Nananalo naman ako. Pero, may edad na nga ako, ang mga kalaban ko mga bata, kaya nagpraktis din ako ng mga pambata na kanta.

“Umabot na ako sa pagsali sa Bohol, at sa Leyte, at iba pang probin­sya,” kuwento niya.

“Boses bata, kahit matanda.” “Takpan mo ang mukha mo! Tapos kumanta ka, batang-bata ­talaga. Hahahaha!”
Ilan lang ‘yan sa mga komento ng mga fan kay Mommy Esterlina. At idina­daan niya sa tawa ang lahat, dahil sabi nga niya, 50 years old na siya, matanda na, at masaya siya na napapansin ng marami na boses-bata siya.

 

Labandera pa rin: Para may pambili ng bigas

Pero, bukod sa pagkanta, pagsali sa mga contest, ang pagiging labandera ang pinagkakaabalahan niya.

“Sa Cebu ‘pag walang raket, walang kontes, tumatanggap ako ng labada. Tapos umaangkat din ako ng mga kakanin tapos ibi­nebenta ko sa mga bahay-bahay.

“Sa isang linggo dalawang beses ako naglalabada. ‘Pag nag­laba ka may P400 ka na, at ­happy na ako roon, kasi may pambili na ako ng bigas, may pangkain na kami,” chika niya.

Eh ngayong medyo kilala na siya bilang singer?

“Naglalaba pa rin ako. At ­kusot lang. Hindi ako sanay mag-­washing machine.

“Dito sa Manila, nakikitira ako sa Mandaluyong, sa amo ng mister ko. Sa Cebu kasi may taxi sila at doon nagtatrabaho ang asawa ko.

“Nu’ng naghanap kami ng matutuluyan sa Maynila, nakiusap kami na makitira sa kanila. At hindi nila kami pinagbabayad sa bahay, kaya naglalaba ako sa kanila.

“Hanggang ngayon, naglalaba ako. Kasi libre naman ako lahat, kaya ‘yun na lang ang bayad ko. Mababait sila sa akin.

“Hindi ko kinalimutan ang paglalaba. Kasi sa Cebu habang naglalaba ako, kumakanta ako, kaya nahasa rin ang boses ko. At nag-e-enjoy ako sa paglalaba.

“Sa paglalaba kasi, ­instant ang pera. Hahahahaha!”

Kaya kahit may mga raket na siya sa GMA (contract star na siya ng GMA Artist Center), hindi raw siya ti­tigil sa paglalaba.
“‘Pag walang taping, raket, maglalaba pa rin ako. At kamay pa rin ang gagamitin ko sa paglalaba.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy