Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mommy Caring sobrang tulin sa PSA Stakes Race

0 90

INILAMPASO ni Mommy Caring ang mga matutulin niyang katunggali upang magreyna sa 2021 Philracom-Philippine Sportswriters Association (PSA) Stakes Race na ginanap sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite, noong Linggo ng hapon.

Ginabayan ni jockey Lester De Jesus, hinawakan agad ng anak nina Striding Ahead at On A Mission na si Mommy Caring ang unahan paglabas ng aparato at makalipas ang unang dalawang metro ng laban ay dalawang kabayo na agad ang lamang nito sa sumesegundong si Arrabiata.

Papalapit ng far turn, sinisikap makadikit nina Arrabiata at Tocque Bell pero nabigo ang mga ito at lalo pang lumayo si Mommy Caring pagdating ng home turn.

Tinawid ni Mommy Caring ang meta ng may anim na kabayong distansiya sa nasegundong Luke Skywalker.

Nilista ni Mommy Caring ang 1:41.9 (24′-24′-24′-28) minuto sa 1,600-meter race sapat upang kubrahin ng winning horse owner na si na si James Anthony Rabano ang P300,000 premyo.

“Inasahan ko na kami ang mananalo,” masayang sabi ni de Jesus na humiling na huling papasok ng aparato si Mommy Caring.

“Mabisyo siya kaya talagang ni-request ko na huli siyang papasok.”

Nasungkit ng owner ni Luke Skywalker ang P100,000 habang napunta ang P50,000 at P25,000 sa third at fourth placers na sina Tocque Bell at Money Changer, ayon sa pagkakasunod.

Pumang-lima si Arrabiata habang pang-anim si Roll Da Dice na nakapag-uwi ng P15,000 at P10,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.

Nagpapasalamat ang PSA sa Philracom sa pagdaos ng event, nangako naman si de Leon na gagawing annual event ang nasabing karera. (Elech Dawa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.