Modus ng shabu sa cylinder lumutang

By

Maaaring matagal na ang modus operandi sa mga printing machine cylinders na naglalaman ng shabu na pinadadaan sa green lane ng Bureau of Customs (BOC).

Ito ang paniniwala ni Puwersa ng Bayaning Atleta Partylist Rep. Jericho Nograles matapos umanong aminin sa imbestigasyon ng Kamara ni Fidel Anoche Dee, ang caretaker ng sinalakay na warehouse sa Valenzuela City, na noong Enero 2017 lamang ay mayroon ding tatlong crates na katulad ng nakumpiska sa naturang bodega, ang dumating sa kanila.

“In short, this is already a modus and part of the scheme is to make sure that these shipments get the green lane privilege. We cannot win the war against drugs if we continue to have incompetent officers in the BOC,” ayon kay Nograles.

Kaugnay nito, umapela si Nograles sa mga awtoridad na magtulungan para matunton ang posibleng 3.6 toneladang shabu na bahagi ng 12,700 kilo ng shabu shipment na nasa loob ng 40-footer container van na nakalusot sa BOC.

Lumitaw kasi sa pagdinig ng Kamara na sa Bill of Lading o listahan ng shipment ng 40-footer container van ang deklaradong net weight nito ay 12.7 metric tons subalit 6,000 kilos lamang ang nabawi ng BOC batay na rin sa pag-amin ni Customs Intelligence and Investigation Service Director Neil Anthony Estrella. 

SHARE