Una sa Balita

Modus ng Manlolokong Recruiter

0 46

“Ate, may opening ba kayo para sa Saudi?” Ito ang madalas na tinatanong ng mga tagasubaybay ng aming public service radio program na Radyo OFW sa Radyo Pilipinas 738 AM.

Palagi namin pinapaalala sa aming tagapakinig na hindi kami recruitment agency kaya wala kaming karapatan mag-recruit o mag-refer ng mga aplikante na naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Tanging ang may karapatan lamang mag-recruit ay ang mga recruitment o placement agency na may lisensya mula sa Philippine Overseas Employment Administration o POEA.

Hindi rin pwede mag-recruit ng basta basta ang kahit sinong ahente o recruiter lalo na yung nagpapanggap na sila ay empleyado ng isang lisensyadong ahensiya.

Madalas na ginagamit na modus operandi ng mga illegal recruiter ang mga social media networks kagaya ng Facebook at Twitter pati na rin ang email para sa kanilang panloloko sa mga aplikante.

Lakas loob pa nilang ginagamit ang mga pekeng dokumento na may pirma umano ng mga Labor Attache at opisyales ng Philippine Overseas Labor Office o POLO.

Pero kung susuriin ng husto, tila mga nanggaling pala sa ‘University of Recto’ ang pinapakita nilang dokumento, sa madaling salita ay peke ang mga ito.

Kung hindi man online ang ginagamit na paraan sa pag-recruit, kadalasan ay kakilala o kamag-anak pa ang nagaahente ng trabaho lalo na doon sa mga nasa probinsya na minsan ay walang alam sa paggamit ng internet.

Ang palagi pa na ginagamit na script ay marami na daw silang napaalis para mag-trabaho sa abroad. ‘Yung iba gumagamit pa ng salitang ‘ready visa’ o ‘tourist visa’ at hindi na umano mahihirapan mag-apply kapalit ng pagbayad ng mga placement o processing fee.

Madalas pa na ginagamit ang mga remittance centers upang mangolekta ng sinisingil bilang placement fee.

Napakahirap nang bawiin ang ibinayad dahil naglalaho na ng parang bula ang mga illegal recruiter pagkatapos nila makuha sa aplikante ang pera.

Minsan ay cross-country pa ang style ng illegal recruitment. Halimbawa nagtatrabaho na sa Hong Kong ang isang OFW pero ito ay hinihikayat ng recruiter na talikuran o mag-break ng kontrata dahil sa mas magandang trabaho o oportunidad umano sa ibang bansa kagaya ng Canada, Russia, o Australia at iba pa.

Kapag lumabag sa kontrata ang worker sa pamamagitan ng pag-resign o pagtakas na walang sapat na dahilan, maaari siyang kasuhan ng kanyang employer o agency dahil sa tinatawag na ‘breach of contract.’

Iisa ang kanta, napakaraming nabibiktima. Paano nga ba makakaiwas na mabiktima ng mga manlolokong recruiter? Hindi na kinakailangan pa tumungo sa POEA upang mag-verify ng mga license at job order ng isang recruitment agency.

Ito ay pwede na gawin online sa pamamagitan ng official website ng POEA na pwede makita sa inyong mga cellphone o computer.

Iwasan ang pagpapaniwala sa mga job opening sa Facebook page na nagpapanggap na ito ang official page ng POEA. Ang official pages lamang ng POEA ay ang mga sumusunod: www.facebook.com/mypoea at www.facebook.com/poea.official

Maaari din tumawag sa mga POEA hotline: 02-722-1144 o 722-1155 o email info@poea.gov.ph

Mag-ingat, maging matalino at iwasan na mabiktima ng mga illegal recruiter at human trafficker.

Kapag hindi sigurado, magtanong sa Embahada, POEA, POLO, at pwede rin sa programang Radyo OFW.

Verse of the day: “There are no secrets to success. It is the result of preparation, hard work, and learning from failure.” — Colin Powell

***

Makinig sa ‘Radyo OFW’ 8:00-10:00pm tuwing Lunes-Biyernes sa Radyo Pilipinas 738 AM, Facebook live: www.fb.com/RadyoOFW Email: radyoofw@gmail.com