Una sa Balita

Mocha tinira nina Koko, Medialdea

By , ,
0 1,436

HINDI na kinaya ng po­wers ng mga kaalyado ng gobyernong Duterte ang pagkakalat ni Presidential Communication Ope­rations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson sa isyu ng isinusulong na pederalismo ng administrasyon.

Ayon kay Senador Koko Pimentel, nagkamali siya sa pag-aakalang makakatulong si Mocha sa pagpapaliwanag sa isinusulong nilang pederalismo.
“Ako ay nagkamali! Akala ko makakatulong si Mocha sa pagpapaliwanag tungkol sa pedera­lismo,” saad ni Pimentel.

Hindi rin anya niya lubos akalaing bababuyin lamang ng opisyal ang isinusulong nilang pagbabago ng sistema ng gobyerno.

Iginiit ng senador na dapat munang ilayo si Mocha sa kampanya dahil kinakailangan pa nitong magbakasyon upang mag-aral nang mabuti.

“‘Di ko lubos akalain na bababuyin pala nila ang pederalismo. Ilayo na si Mocha sa pederalismo. Mag-aral muna siya nang mabuti. Mag-leave muna siya,” diin pa ng senador.

Maging si Executive Secretary Salvador Medialdea ay tutol sa ideya na gamitin si Uson sa information campaign sa pederalismo.

Sinabi ni PCOO secretary Martin Andanar na mas pabor si Secretary Medialdea na mismong mga miyembro ng Consultative Committee ang magsalita tungkol sa pederalismo dahil mas gamay nila ang bawat detalye nito.

“Bago pa man lumabas ang video, hindi na po natuwa si Executive Secretary. Ang sabi sa akin ni ES ‘federalism is a very serious matter.’ Kailangan ang mga tagapagsalita nito ay ‘yung talagang either sina ex-CJ Puno,” ani Andanar.

Tinawag naman ni ­Ifugao Rep. Teddy Baguilat na malaswa, mababaw at binabastos ang opisina nila sa Malacañang.

“‘Di nila naisip na isa itong napakahalagang usapin at binababoy nila ang pagpapaliwanag nito,” dagdag ni Baguilat.

Nitong weekend ay lumabas ang video ni Uson bilang warm-up sa pederalismo na umani­ ng negatibong kritisismo dahil sa malaswang pagbaybay matapos gawing ‘pepe-dede-ralismo’ ang seryosong isyu. (Dang Garcia/Aileen Tali­ping/Aries Cano)