Una sa Balita

MMDA lady enforcers sumabak sa training kontra pasaway na motorista

By
0 1,588

Sumabak na kahapon sa pagsasanay ang 30 mga lady traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa tamang paggamit ng baton at self defense trai­ning kontra sa mga pa­saway na motorista.

Ayon kay Celine Pia­lago, tagapagsalita ng MMDA, ito aniya ang unang batch ng mga enforcer na sasabak sa self defense training, na nakatalaga sa yellow lane sa EDSA at kasama dito ang tamang paggamit ng baton.

Ang mga magtuturo sa mga enforcer ay mga martial arts expert na nagmula sa Philippine Tapado Kali Corporation.
“Ang objective ay magkaroon ng self defense knowledge sa mga violent motorists,” ani ni Pialago.

Bukod sa self defense ay sasailalim din ang mga enforcer ng MMDA sa psychological, mental at physical trainings.

Plano pa rin aniya ng ahensiya na mag-isyu ng mga karagdagang body cameras para higi­t na matiyak na walang malalabag sa karapatan ng mga motorista kapag nahuhuli ang mga ito sa traffic violation.

Samantala, sa abiso ng MMDA, malamang na makaranas ng masikip na daloy ng trapiko ang mga motoris­tang babagtas sa EDSA bunsod ng gagawing rehearsal ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) para sa military honor­ guards sa harapan ng People Powe­r Monu­ment bukas ng alas-otso­ ng umaga sa Quezon City.

Ang nasabing aktibidad ay kaugnay ng paghahanda sa ika-32 taong anibersaryo ng People Power.