Una sa Balita

Miyembro ng Australian motorbike gang hinarang sa NAIA

0 518

Pinagbawalang makapasok ng immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Australian national na umano’y miyembro ng kilabot na international motorcycle gang.

Kinilala ni Bureau of Immigration (BI) port operations division chief Grifton Medina ang pa­sahero na si Daniel Anthony Stalley, 37-anyos, na pinigil sa NAIA Terminal 2 noong Nobyembre 25 nang dumating sakay ng isang flight ng Philippine Airlines mula Kuala Lumpur, Malaysia.

Sinabi ni Medina, ang dayuhan ay hindi pina­yagang makapasok matapos silang abisuhan ng pagdating ni Stalley sa Maynila ng mga awtoridad sa Australia.

Nabatid na si Stalley ay tinukoy bilang isang miyembro ng gang na ‘Hells Angels’ na na-link sa organisadong krimen at marahas na mga aktibidad sa iba’t ibang mga bansa.

Ayon pa sa mga awtoridad ng Australia, si Stalley at iba pang mga mi­yembro ng gang ay sangkot sa iligal na aktibidad, kabilang ang droga, pang-aapi at pagnanakaw.

Ipinaliwanag ng BI na dahil sa umano’y pakiki­pag-ugnay niya sa gang, hindi maaaring tanggapin si Stalley sa bansa dahil itinuturing ito na undesi­rable alien na magdudulot ng peligro sa kaligtasan ng publiko.

Si Stalley ay dati nang naging laman ng mga pahayagan sa Thailand matapos na umano’y sugurin ang dalawang Thai noong 2016. (Mina Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy