Una sa Balita

Mitra aalalay sa mga atleta

0 222

IPAGPAPATULOY ng Games and Amusement Board (GAB) ang mga programa na makatutulong sa mga professional athlete, kabilang na ang mga retiradong boxer gaya nina Erbito C. Salavarria at Luisito ‘Lindol’ Espinosa.

“Sa ngayon po ay nakikipag-usap na ang ating butihing commissioner na si Ed Trinidad sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines para sa libreng dental program ng ating mga atleta sa lahat ng AFP camp and hospital sa buong Pilipinas,” pahayag ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa TOPS (Tabloids Organization in Philippine Sports) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Manila.

“Alam naman po natin na very active ang AFP sa community services, kaya baka naman puwedeng maisama na rin natin ang ating mga atleta dito. Napakahalaga po ng dental services para sa kanila lalo na boxing at iba pang contact sports.”

Ikinatuwa naman ni promoter Brigo Sandig ng Highland Boxing Promotions ang dagdag benepis­yo ng GAB sa kanilang programa ngayong taon.

“Mula po nang magsimula si Chairman Baham sa GAB, talaga pong mas maraming manager at promoter ang na­ging aktibo. ‘Yung libreng medical po ay talagang malaking tulong sa amin. Isipin po ninyo na gumagastos ang manager ng hindi bababa sa P5,000 noon kada boxer para sa medical expenses nito,” wika ni Sandig.

Nangako rin si Mitra na tutulungan nito si former two division champion Espinosa na makuha ang premyong US$150,000 sa dati nitong laban na hindi pa nakukuha ilang dekada na ang lumipas.

“Hinihingi po natin ang kopya ng kontrata niya (Espinosa) at hihingi tayo ng tulong sa ating lawyer para mapag-aralan ito at baka naman po makuha pa natin ‘yung premyo niya,” sambit ni Mitra na dating Palawan governor at congressman.

Matatandaan na tinulungan rin ng GAB si Salavarria na makuha ang financial assistance mula sa World Boxing Council Jose Sulaiman Boxers Fund. (JAT)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More