Mister at buntis na misis patay sa mishap

By

Patay ang mag-asawang nasangkot sa road mishap kamakalawa ng madaling-araw sa Aguinaldo Highway, Barangay Tubuan 2, Silang, Cavite, makaraang makasalpukan nila ang Isuzu Topdown Fish Cargo Jeep, na ikinasugat naman ng driver at dalawang sakay nito.

Sa nakalap na ulat mula Silang Municipal Police Station, sakay ng Toyota Wigo (AAW 4840) ang mag-asawang sina Francis Toledo y Fojas at Ma. Jonina Salazar Toledo, dakong alas-tres ng madaling-araw.

Pinaniniwalaang sinakop ng Isuzu Jeep (DFE 275) na minamaneho ni August Bailey Caringal, ang linya ng mag-asawang biktima kaya nang magkabulagaan ay hindi na kapwa nakaiwas sa malagim na trahedya. Sa lakas ng impact ay sumadsad sa tabing kalsada ang total wreck na kotse ng mga biktima.

Kapwa isinugod sa Silang Specialist Medical Center ang mag-asawa ngunit agad binawian ng buhay si Francis matapos mapitpit ang katawan sa nayuping unahang bahagi ng kotse. Sunod na ring binawian ng buhay ang misis nito na umano’y apat na buwang buntis.

Sumailalim naman sa physical at alcoholic breath test si Bailey habang sugatan rin sina Victoria Caringal at Candida Garcia na kasama ng suspek sa sasakyan.

SHARE