Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Missing baboy

0 96

Kahit ano pang papogi ang gawin ng mga opisyales sa Department of Agriculture (DA), ang problema sa baboy – kakulangan ng suplay at sobrang taas ng presyo ay di malulutas sa taong ito.

Ayon sa ilang industry source, dalawa hanggang tatlong taon ang kailangan bago bumalik sa normal ang pagbababoy.

Sa ngayon, ang lahat ng artipisyal na krisis ay resulta ng African Swine Fever (ASF) at kakulangan o kawalan ng tulong ng gobyerno para sa mga maliliit na hog raiser.

Maliban pa ang mga nananamantala sa problema, kabilang ang local at provincial government.

Ipinagmamalaki ni DA Sec. William Dar na nakakuha na sila ng mga baboy mula sa Mindanao sa murang halaga para ibagsak sa mga palengke at mapanatili sa price ceiling na p270 ang isang kilo ng baboy.

Ayon naman sa mga tindero’t tindera ni isang baboy ay wala silang naramdaman na nakaratong sa kani-kanilang puwesto.

Eh nasaan ang mga baboy?

Marapat na maimbestigahan ng Tanggapan ng Pangulo o ng Kongreso ang mga inangkat na baboy mula sa ilang bahagi ng Mindanao ay diniretso sa mga super market at grocery kung saan di sakop ng price ceiling.

Ang impormasyon na iyan ay galing mismo sa mga nasa industriya at marapat lamang na mabatid ang totoo at maparusahan ang may pananagutan.

Kung hindi ito totoo, tulad ng depensa ni Dar, dapat ay magpakita sila ng ‘video’ o dokumento na nakarating nga sa public market ang sinasabing baboy.

Ngayon, bakit nila nasabi na ang problema ng baboy ay tatagal pa ng 2 hanggang 3 taon.

Ang ilang hog raiser ay hindi na muna nagpatuloy sa pagpapalaki ng mga biik. Kawalan ng malinaw na hinaharap ang dahilan.

Dahil sa laki ng nalugi nila mula sa mga unang batch ng baboy na pinatay para di na kumalat ang ASF, di malinaw anila kung ano ang plano ng gobyerno.

Nangangamba sila na isang malaking sugal kung magpapatuloy sila na mag-alaga at magpalaki ng baboy at mapepeste lang naman.

Ang ilan naman sa kanila ay naging praktikal at kapit kamay at pikit mata na ipinagbibili na lamang sa lokal na pamahalaan ang kanilang mga pag-aari sa paluging halaga.

At habang kumakaunti na nga ang mga magbababoy dahil sa iba’t ibang kadahilanan, ang natitira na opsyon ng gobyerno ay mag-angkat ng baboy sa labas ng bansa na di apektado ng ASF.

Walang personalan.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.