Miss U beauties kinawawa sa Pinas

By

Naawa kami sa Miss Universe beauties na naririto ngayon­ sa ating bansa dahil sa tight schedule nila. Noong Miyerkoles, may presscon sa Manila Dusit Hotel para kina Miss Universe 2016 Iris Mittenaere, Miss Universe 2017 Demi-Leigh Nel-Peters at sa ilang mga kandidata ng 66th Miss Universe.

Mula alas-dos hanggang alas-kuwatro nang hapon ang imbitasyon pero biglang umalis sa Dusit Hotel at pinasakay sa bus ang Miss Universe beauties dahil dinala sila sa Intramuros at sa Resorts World Manila na ikinataranta ng organizer ng presscon.

Kung kawawa ang Miss Universe beauties dahil sa kanilang hectic schedule,­ mas kawawa ang mga miyembro ng media na pinaghintay ng dalawa at kalahating oras sa 17th floor ng hotel.

Dahil may appointment pa kami, hindi na namin hinintay ang pagdating nina Mittenaere at Nel-Peters dahil hindi na makatarungan ang da­lawa at kalahating oras na paghihintay.

Unang dumating sa presscon venue si Miss Universe Organization president Paula Shugart. Nang makita ni Shugart na wala pa ang mga kasama niya, umalis siya.

Nang bumaba kami mula sa 17th floor, nakasalubong namin ang mga kandidata ng Miss Universe sa 16th floor.

Pinaakyat sila sa 17th floor pero wala pang limang minuto, pinababa sila sa 15th floor kaya ramdam na ramdam namin na hindi organisado at kulang sa coordination ang event.

Kasama si Miss Universe Philippines Rachel Peters sa mga kandidata na nakita namin.

Sa dami ng magagandang kandidata mula sa Russia, Great Britain, Canada at Malaysia, na­ging ordinaryo si Rachel sa paningin ng mga nag-abang sa very late arrival­ ng Miss Universe 2017 candidates.

SHARE