Una sa Balita

Misis todas sa kalaguyo

By
0 18

Naaagnas at umaalingasaw nang matagpuan ang katawan ng isang misis na may isang saksak ng patalim sa dibdib sa loob ng inu­upahang bahay ng kanyang umano’y kalaguyo sa Barangay Saog, Marilao, Bulacan noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Rosalinda Gonzales, 38, may-asawa, ng Barangay Lias, Marilao na bangkay na nang matagpuan sa bahay ng umano’y karelasyon na si alyas ‘Dick Policarpio’, ­negosyante at na­ngungupahan sa Barangay Saog, Marilao na target ngayon ng manhunt operation ng pulisya.­

Nabatid na huling­ nakitang buhay ang biktimang si Rosalinda­ noong Lunes ng gabi matapos na magpaalam ito sa kanyang mister na maniningil ng pautang ngunit mula noon ay hindi na ito nakabalik sa kanilang bahay.

Dito na nagduda ang asawa ng biktima dahil­ alam niyang may kalaguyo ang misis kaya nagpasama ito sa mga barangay tanod ng Barangay Saog at dito na nila nakita ang misis na patay na.

Sinabi ng mister ng biktima na alam niyang may kalaguyo ang misis dahil ilang beses na niya itong nahuli sa kanilang mismong bahay ngunit pinabayaan na lamang niya ito hanggang sa mag-alala ito dahil ilang araw nang hindi umuuwi ang asawa kaya hu­mingi na siya ng tulong sa awtoridad hanggang makitang bangkay na ang kanyang misis.