Una sa Balita

Misis na nanigaw, nang-insulto ng judge, kulong

By
0 445

KULUNGAN ang bagsak ng isang 30-anyos na ginang matapos insultuhin at pagsisigawan ang isang hukom na pinamamadali nito na pirmahan ang release order para makalabas na ng kulu­ngan ang naka­bilanggong asawa, kamakalawa nang hapon sa Mandaluyong City.

Nakakulong na at na­haharap sa kasong grave coercion at unjust vexation ang ginang na si Elisa Alicaway y Delos Reyes, 30-anyos at residente ng Brgy. Bulbok, Tuy, Batangas matapos na pagsalitaan ng mga hindi kanais-nais ang hukom na si Rizalina Capco Umali y Tulad, 64-an­yos, presiding Judge ng Branch 212, Regional Trial Court, Manda­lu­yong City.

Batay sa report, pi­namamadali ng suspek na pirmahan ang release order ang asawa nitong nakakulong sa Mandaluyong City Jail makaraang magtungo ito sa Mandaluyong RTC bandang alas-singko kamakalawa nang ha­pon.

Ayon sa salaysay ng hukom, walang respeto na nagtungo ang suspek sa kanilang tanggapan para alamin kung napirmahan na ang release order ng kanyang asawa na may kasong 11 counts ng estafa.

Sinabi naman ng clerk of court na ipapadala pa ang kopya sa tanggapan ng BJMP sa oras na ito ay mapirmahan.

Ngunit agad naman umanong nagsalita ang suspek na, “Eh andiyan naman si Judge bakit hindi pa niya pinipirmahan, pwede ko ba malaman ang pangalan ninyo para kung hindi niyo magawa ay kami na lang ang gagawa ng aksyon?”
Nang marinig ni Judge Capco Umali ang sinabi ni Alicaway ay agad na humarap ito at nagpakilala ngunit pabalang na sumagot ang ginang na “Bakit hindi niyo pa po nilalabasan ng release order ang asawa ko, samantalang noong August 1 pa na-dismiss ang kanyang kaso, nandyan naman kayo pwede n’yo naman pirmahan”.

Nagsalita si Judge Capco Umali at ipinaliwanag sa ginang ang pro­seso na marami ang nakapila na dapat nitong pirmahan subalit nagmatigas pa rin ang suspek kaya nagpatawag na ng sheriff at ipinaaresto ang ginang.

Kapwa nakakulong na ang mag-asawa sa Mandaluyong detention cell habang hinihintay ang kanilang pagdinig sa tanggapan ng Prose­cutor’s Office.