Una sa Balita

Misis arestado sa pagbubugaw

By
0 306

ARESTADO ang isang 35-anyos na misis sa aktong ibinubugaw umano ang dalawang teenager na babae sa Rosario, La Union noong Miyerkoles.

Kinilala ni Rosario Police Station (RPS) commander Chief Insp. Albert Padilla ang suspek na si Genalin Bautista, ng Brgy. Rabon, Rosario ng nasabing lalawigan.

Ayon kay Padilla, inaresto si Bautista sa isang entrapment at na-rescue ang kanyang binubugaw na 17-anyos at 20-anyos na mga babae sa isang undercover agent na pulis.

Ayon kay Padilla, sinabi ng dalawang biktima na pinangakuan sila ng suspek ng trabaho ngunit lingid sa kanilang kaalaman na ibubugaw pala sila ni Bautista.

Nahuli rin mula sa suspek ang tatlong plastic tea bag na mayroong laman na pinaghihinalaang pinatuyong dahon ng marijuana na nakatago sa battery compartment ng isang mobile phone.

Dinala ang suspek sa RPS at kasong anti-human trafficking law at anti-illegal drug act ang isasampa laban sa kanya.