Una sa Balita

Misal, Team Joola sinapawan ang UST

0 274

GINAPI ng Team Joola, sa pangunguna ni dating UAAP star John Russell Misal, ang University of Santo Tomas Team B, 3-0, sa Men’s Open team event nitong Biyernes sa pagsisimula ng 9th Flexible Cup International Table Tennis Championships sa Harrison Plaza Activity Center sa Malate, Manila.

Kipkip ang karanasan sa matikas na kampanya sa World Championship of PingPong sa London kung saan umabot siya sa Round-of-16, pinataob ni Misal si Nico Nayre, 11-7, 11-9, 11-9, sa first match habang ginapi ni Chen Lei Xin si Reymart Mabuang, 11-2, 11-4, 11-5, sa second match. Kinumpleto ni Alexis Bolante ang sweep ng Team Joola sa 11-6, 11-4, 11-6 panalo kay Carl Victorio.

“Matagal na kaming naglalaro ni Nico, patas lang kami, medyo napaganda lang ang gising ko,” pahayag ni Misal, UAAP Rookie of the Year (2013) at Most Valuable Player (2017) nang gabayan ang National University.

“Maraming magagaling, pero pipilitin kong makuha ang gold medal at mag-champion dito.”

Napukaw ni Misal ang atensyon ng international table tennis community nang gapiin ng pambato ng Toril, Davao City ang pamosong local player na si Ashley Stokes para makausad sa Round-of-16 sa prestihiyosong World Championship of Pingpong na ginanap nitong Enero 26-30 sa London.

Bahagi siya ng Philippine delegation sa Sports Exchange program ng Table Tennis Association for National Development (TATAND) sa Beijing at nagsanay sa Shengdeng, China sa nakalipas na taon.

Kabilang din sa Joola team sina Jong Ortalla at Charlie Lim, honorary president (TATAND), ang organizer ng torneo na pagtataguyod ng Flexible Packaging Corporation.

Ang mga mangungunang player sa individual event ay mabibigyan ng pagkakataon na makasama sa TATAND delegation para sa sports exchange program sa China.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy