Una sa Balita

Minaltratong Pinay kakampi ngayon ng mga DH

0 392

ISANG Filipina na da­ting inalipin ng kanyang among Saudi Arabian, ang siyang nagsusulong ngayon ng karapatan ng mga domestic worker sa Netherlands.

Ginagawa ito ni Corazon Espanto bilang presidente ng Mig­rante sa The Hague, at volunteer cultural mediation officer ng grupong Fairwork.

Tinutulungan ni Espanto ang mga biktima ng pang-aabuso at mga undocumented kaya’t tumanggap siya ng pagkilala sa Fairwork bilang warrior ng modern-day sla­very. Binigyan din siya ng award ng Filipino Mission in Solidarity sa Netherlands.

Ngunit bago siya naging tagapagtanggol ng mga Overseas Filipino Worker (OFW), si Espanto ay minsan naging alipin ng kanyang among diplomat sa Saudi Arabia simula nang magtabaho siya doon noong 1998.

Pinangakuan siya ng $350 buwanang suweldo, pero $250 lang ang kanyang natatanggap. Wala siyang day off at 12 oras ang trabaho bawat araw. Bawal siyang magluto ng sariling pagkain at hindi rin siya pinapayagang lumabas ng bahay.

Kahit hirap na sa trabaho, kinuha pa rin niya ang dalawang anak dahil sa panghihinayang sa suweldo subalit pati sila ay ina­lipin din ng kanyang amo.

Nang ma-assign ang amo sa Amsterdam bilang ambassador noong 2003, hindi pa rin nagbago ang turing sa kanila. Taong 2008 nang siya ay tumakas, kasama ang dalawang anak, sa tulong ng isang Pinay na kapitbahay ng kanyang amo.

Tatlong taon siyang nagtago at lumantad lamang noong 2011 upang magpa-interview sa Dutch media gamit ang alyas. Sa sumunod na taon ay tinulungan siya ng Fairwork at Migrante at simula noon ay na­ging tapagtanggol na siya ng karapatan ng mga domestic worker sa Netherlands.