Una sa Balita

Minahan ng Benguet Corp gumuho, 32 patay

29 pa nawawala

0 773

UMABOT na sa 32 katao ang naiulat na namatay habang 29 pa ang nawawala sa nangya­ring landslide sa Brgy. Ucab, Itogon, Benguet dulot ng matinding pag-ulan na dala ng bagyong Ompong kung saan isinisi rin ito sa patuloy na mining operation sa lugar.

Ayon kay Itogon Mayor Victorio Palangdan, posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi dahil isang bunk house umano ng Benguet Corporation na pagmamay-ari ng mga Romualdez, na ginagamit ng may 40 hanggang 50 small scale miner ang natabunan din ng lupa dahil sa landslide.

Dalawa sa mga nasawi ay nakilala na umano habang lima ang hindi pa nakikilala. May pito pa umanong katao ang nasugatan.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy umano ang rescue operation ng Office of Civil Defense (OCD) at ilang regional mobile group ng iba’t ibang ahensiya para maisalba ang buhay ng mga minerong na-trap sa loob ng nasabing bunk house.

Ang bayan ng Itogon na kilalang mining area at kasalukuyang may 1,500 evacuee sa may siyam na itinayong evacuation center ay matatagpuan malapit sa Baguio City at halos nasa ibabang bahagi ng sikat na tourist spot na Mansion House sa Baguio City.

Sa interview sa radyo, sinabi ni Mayor Palangdan na noong Miyerkoles pa umano ay nagpakalat na siya ng mga pulis sa nasabing lugar upang himukin ang mga residente na sumama sa preemptive evacuation dulot na rin ng malaking banta ng bagyong ‘Ompong’.

Subalit marami sa mga residente ang nagdesisyon na manatili sa kanilang mga bahay.

Batid umano ng lokal na pamahalaan na sad­yang napakadelikado ng Itogon lalo na kapag may malakas na bagyo dahil madalas ang landslide.

Naniniwala si Palangdan na bukod sa ulan na nagpalambot ng lupa ay dapat ding sisihin sa trahedya ang patuloy na operasyon ng mga pagmimina sa lugar.

Sinabi pa nito na may isang malaking tunnel sa Itogon na halos 100 taon nang ginagamit ng Benguet Corporation sa ­mining operation.

Bigla na lamang umanong bumigay ang lupa sa national road na tumabon sa mga bahay sa paligid nito.