Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Milyon makikinabang sa PhilHealth rate hike suspension

0 111

Sa isang televised message ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero 4, inutos niya ang pagpapaliban ng pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth.

Ayaw ng Pangulong dagdagan pa ang paghihirap ng mga Pinoy habang umiiral ang pandemyang dulot ng COVID-19.

Subalit hindi agad maipatupad ang hakbang na ito dahil kailangang ipasa ng Senado at Kamara ang panukalang batas para amyendahan ang Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Act. Nakasaad kasi sa nasabing batas na ang premium rate contribution ng direct contributors ay itataas mula 3.00 percent patungong 3.5 percent sa 2021.

Isa po ang inyong lingkod sa agad na tumugon sa panawagan ng Pangulo. Kasama si Ako Bicol Party-list Cong. Alfredo Garbin at iba pang miyembro ng Kamara de Representante, inihain namin ang Joint Resolution No. 33 noong Enero 5, isang araw matapos manawagan ang mahal na pangulo.

Kalaunan, ang aming panukala ay isinama sa final version ng House Bill No. 8461 na may katulad ding layunin na pahintulutan si Pangulong Duterte na suspindihin ang pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth pag may national emergency. Aprubado na po ito sa Mababang Kapulungan noong Pebrero 1.

Nararapat lang pong pansamantalang pigilan ang pagtaas ng kontribusyon ng mga PhilHealth members dahil marami sa kanila ang nawalan ng trabaho dulot ng mga pinatupad na lockdown upang mapigil ang pagkalat ng COVID-19.

Naitala sa Pilipinas ang 10.4 percent unemployment rate, pinakamataas sa nakalipas na 15 taon. Sa Bicol Region, 15.7 percent ang naitalang unemployment rate noong Abril 2020. Ito yung panahong nalugi ng P7.6 bilyon ang ekonomiya ng rehiyon, base sa pagtaya ng National Economic and Development Authority (NEDA) Region 5.

Bagamat marami na po ang nakabalik sa kanilang trabaho sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya, sa huling pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay higit limang milyon pa rin ang jobless sa bansa.

Marami po ang makikinabang sa panukalang pigilan ang pagtataas ng Philhealth contributions.Malaking ginhawa ito sa 14.4 milyong manggagawa sa pribadong sektor at 3.6 milyong overseas Filipino workers na direct contributors ng PhilHealth.

Alam po natin na tinatayang P500 milyon ang mawawalang premium sa PhilHealth ngunit naniniwala akong may pagkukunan silang reserve fund habang ‘di pa bumabalik sa normal ang pamumuhay sa bansa at buong mundo.

Kahit abala ang inyong lingkod sa pagtulong sa mga Bicolanong nawalan ng tirahan, hanapbuhay at mahal sa buhay noong nanalasa ang magkakasunod na bagyo noong 2019, hindi naman po tayo pumapalya sa ating sinumpaang tungkulin sa Kongreso, lalo na kung para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.