Una sa Balita

Military detachment nilusob ng Maute supporters

By
0 2

Sinalakay ng hindi bababa sa 20 mga armadong lalaki ang isang military detachment malapit sa Marawi City kahapon ng umaga sa Lanao del Sur.

Sa inisyal na ulat ni Capt. Jo-Ann Petinglay, spokesperson ng Joint Task Force Marawi, ang sina­lakay na detachment ay ang 55th Infantry Battalion na pinamamahalaan ng mga miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU).

Ang paglusob ng mga armado na sinasabing sumusuporta sa mga Maute group ay nahantong sa dalawang oras na engkuwentro pero wala namang iniulat na nasugatan o nasawing sundalo.

Patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit operation ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya laban sa grupo na nang-harass sa nasabing military camp.

Kaugnay nito, namataan din ng tropa ng pamahalaan ang nasa 20 armadong grupo na hinihinalang sasaklolo sa Maute group habang tumatawid sa bayan ng Saguiaran noong Biyernes ng madaling-araw.

Nadiskubre ang nasabing grupo matapos mag-report ang dalawang residente sa lokal na opisyal ng nasabing bayan na dumaan sa harap ng kanilang bahay ang mga armadong kalalakihan.