Una sa Balita

Militar binomba ng NPA, 7 patay

0 475

Nasawi ang anim na sundalo at isang hindi pa nakikilang rebelde, nang pasabugin ng grupo ng New People’s Army (NPA) ang anim na improvised explosive device (IED) at magsagupaan ang dalawang panig sa Borongan City, Eastern Samar, Lunes nang hapon.

Nangyari ang engkuwentro sa Sitio Bangon, Barangay Pinana-an, dakong alas-singko nang hapon habang nagsasagawa ng operas­yon ang 14th Infantry Battalion.

Sabay-sabay na sumabog ang mga IED na nagresulta sa agarang pagkasawi sa anim na tropa ng pamahalaan.

Tumagal ang palitan ng putok ng halos 30 minuto bago nagsitakas ang mga rebelde.

Nakilala ang mga nasawi na sina Sgt. Rex Jadulco, Cpl. Ro­naldo Go, Cpl. Limar Banug, PFC Kent Lloyd Agullo, Pvt. Charlie Del Rosario, at Pfc Junmar Buranday.

Nasugatan naman sa engkuwentro ang 20 sundalo na nagpapagaling na sa pagamutan.

Dinala ang mga sugatang sundalo sa Camp Lukban Station Hospital habang patuloy ang ginagawang hot pursuit operation ng tropa ng gobyerno para habulin ang mga tumakas na mga rebelde. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy