Una sa Balita

Mikrokosmo

By
0 99

Maraming dahilan kung bakit mainit na usapin sa kasalukuyan ang bigas at galunggong. Una, mataas na ang halaga ng dalawang partikular na pagkain. Ikalawa, nababalutan ng kontrobersya ang mga ito dahil sa bukbok sa bigas at hinihinalang formalin sa isda. Ikatlo, ang dalawang pagkaing ito ang mikrokosmo ng kalagayan sa buhay ng mga kababayan natin.

Mikrokosmo o microcosm sa Ingles. Kombinasyon buhat sa dalawang salitang Griyegong mikros at kosmos ang salitang ‘mikrokosmo’ na literal na nangangahulugang maliit na mundo. Ginagamit ang salitang mikrokosmo bilang pagkatawan o representasyon ng higit na malaking mundo o pangyayari.

Puwede ring ituring na simbolikal o sumisimbolo ang mikrokosmo. Ganyan ang epekto ng bigas at galunggong sa buhay natin. Kaya naman kapag napag-uusapan ang ekonomiya, bigas at galunggong ang nagiging sukatan at simbolo ng karaniwang tao. O kung naaabot pa ba ng karaniwang tao ang halaga.

Halos lahat sa atin ay kumakain ng sinaing bilang staple na pagkukuhanan ng carbohydrates. Samantala, ang galunggong naman ay isdang nabibili ng karaniwang tao. Hindi katulad ng isdang lapu-lapu o apahap na mamahalin.

Dahil lubhang pa­ngangailangan, anumang paggalaw sa presyo ng bigas ay nakakapaekto sa persepsyon ng karaniwang tao sa ekonomiya. Walang kuwenta ang mga numerong inihahain ng mga government economic agencies gaya ng NEDA. Ano ba naman ang inflation, GDP, GNP, interest rate na hindi naiintindihan ng karaniwang tao.

Ang mahalaga, hindi magtaas ang presyo ng bigas. Stable ang ekonomiya kapag affordable pa. Pero hindi ganito ang nangyayari. Bukod sa tumataas ang presyo, nagkaroon pa ng usapin ng pagkakaroon ng bukbok ang inangkat na bigas.

Mikrokosmo ng ekonomiya ang bigas dahil direktang apektado ng presyo ang kalagayan ng magsasaka, nagtitinda, nagkakarga, nagbibiyahe, at maraming negosyante ng bigas at palay. Apektado lahat dahil bukod sa kumakain nito, tiyak na may kaugnayan sa presyo ng bigas ang bawat Filipino.

Sa supply at kakayahang bumili ng bigas sinusukat kung maayos pa ang buhay. Samantala, bagama’t laganap na ang tilapia at bangus sa palengke, galunggong pa rin ang quintessential na isda ng karaniwang tao.

Nakakatatawa at nakakainis isiping sa kabila ng pagiging arkipelago o kapuluan ng bansa natin, sa kabila ng kaliwa’t kanang ilog at karagatan, heto tayo, nag-iimport ng galunggong. Na para diumano mapanatili ang kasariwaan sa pagtatawid-dagat sakay ng barko, kailangang gamitan ng formalin. Kapag narinig ang formalin, isa lang siyempre ang papasok sa isip ng tao: Bangkay. Kemikal para mapanati­ling maayos ang ibuburol na bangkay.

Pangkaraniwang isdang mabibili sa pangkaraniwang palengke pero inaangkat.

Kaya naman dahil simbolikal at mikrokosmo nga, nagkukumahog ang mga ahensya ng pamahalaan para mapababa ang presyo ng galunggong at bigas. At kung hindi mapapababa, nagkukumahog sa pagbibigay ng katuwiran kung bakit mataas at nauubos ang supply.

Pero, pansinin ninyo. Walang umaako sa kasalanan kung bakit nagkaganito ang mise­rableng sitwasyon ng ating batayang pagkain. Walang may pananagutan sa pamahalaan habang tayo, mga karaniwang obrero, ay nahihirapan kung paano pagkakasyahin ang hindi lumalaking budget.

***
Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes