Una sa Balita

Mighty Sports PH bronze sa Dubai tournament

By
0 352

NAKABAWI ang Mighty Sports PH kasunod ng manipis na pagkatalo sa semifinals para sa podium finish sa Dubai International Basketball Championship nitong Sabado ng gabi (Philippine time).

Hindi pinaporma ng bataan ni Mighty Sports head coach Charles Tiu ang Lebanese club team na Homentmen, 91-76, sa battle for third match sa Shabab Al Ahli Club.

Hindi nabanaag ang pressure sa mga manlalaro ng Mighty, lumamang ng walong puntos sa halftime na mas pinalawig pa sa 22 puntos pagdating sa dulo, 77-55, dahilan para maipahinga na ang Ginebra resident import na si Justin Brownlee na tumapos lang ng 10 puntos.

Sa nasabing laro, nagpakitang-gilas ang kakaretiro lang sa Ginebra na si Jett Manuel, na posibleng huling pagsalang nito sa professional basketball league, sumiklab ng 19 puntos sa 8-of-10 shooting.

“Overall, the stint was a successful campaign naman,” ayon kay Tiu. “Although the fact that we were already so close, sayang lang talaga.”

Nilaro naman ni NBA two-time champion Lamar Odom ang kanyang pinakamagandang performance para sa Mighty stint, kumamada ng walong puntos na nagpahiyaw sa bawat Pinoy sa venue.

“The fact that he can still play basketball, run up and down at his age, that’s already a big achievement for himself and I’m really happy for him,” papuri ni Tiu kay Odom.

Para naman sa ­Homentmen, nanguna si Jerar Hadidad na may 23 points, at Elias Rustom na nagdagdag ng 20.

Maituturing na magandang comeback ang bronze medal ­finish para sa PH club, noong nakaraang taon ay nanalo lang ng isa sa kabuuan ng torneo.