Una sa Balita

MICA, JONA, ISABELA, AT JEREMY, BAKBAKAN NA SA THE VOICE TEENS!

By
THE VOICE TEENS GRAND FINALISTS
0 3

Mula sa libo-libong nangarap at matapos ang pambihirang pinagdaanan sa mapanuring mata ng coaches at publiko, magbabakbakan na sa kanilang huling showdown ang grand finalists na sina Mica, Jona, Isabela, at Jeremy para tanghaling kauna-unahang The Voice Teens grand champion sa bansa at buong Asya.

Umaatikabong labanan ng boses ang mapapanood sa grand finale ng top-rating singing-reality show ngayong Sabado at Linggo (Hulyo 29 at 30), kung saan itotodo na ng apat ang kanilang laban para sa pamilya at pangaral.

Boses na lamang ng publiko ang maririnig kaya naman tanging text at online votes lang ng mga manonood ang siyang hahatol kung sino ang tatanghaling kampeon na magkakamit ng fashion package, business package, dental service package, P1 milyong cash, P1 milyong halaga ng trust fund, P2 milyong life insurance, recording at mana­gement contract sa MCA, at bagong house and lot.

Marami na ang bumilib kay Mica ng Team Lea sa blind audition pa lang niyang humakot na ng 9.8 milyong views, ang pinakamataas sa lahat ng teen artists ng season.

Hinasa naman ng singing contests ang 14 taong gulang at four-chair turner na si Jona, ang Tabing Ilog Sweetheart ng Davao. Dala ang kanyang pa­ngarap na mailipat ang pamilya sa bagong bahay mula sa mapanganib na tahanan sa tabi ng ilog, gagamitin ni Jona ang lahat ng natutunan mula sa mang-aawit na ama at kay coach Sarah.

Palaban din sa stage si Isabela mula Kamp Kawayan ngunit nakatanggap ng matitinding pamumuna mula sa bashers.

Kaya naman hindi nagpahuli ang kanilang coaches, lalo na si coach Lea, sa pagtatanggol sa kanilang talento at abilidad sa show man o online.

Tumataya naman si coach Sharon kay Jeremy, ang Charming Cutie ng California, na maging kauna-unahang “The Voice” champion na magmumula sa team niya.

Laki man sa Amerika si Jeremy, taglay niya ang isang pusong Pinoy.

Huwag palampasin ang kapana-panabik na bakbakan ng apat na teams sa “The Voice Teens: Grand Finale” ngayong Sabado at Linggo (Hulyo 23 at 24) sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Mapapanood din ito nang live ng mga Kapamilya sa ibang bansa sa tfc.tv/Voice. Para past episodes ng palabas, mag-login lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.