Una sa Balita

MIAA: 3-oras bago ang takdang flight, ilaan

By
0 4,430

MULING ipinaalala ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal na upang makaiwas sa ano mang abala sa pagpasok sa airport ay kinakailangang­ maglaan na ng tatlong oras bago ang takdang paglipad o flight.

Ito ay dahil sa pagdagsa ng mga pasaherong magbabakasyon at magtutungo sa iba’t ibang probinsya at bansa nga­yong Semana Santa kaya asahan na ang mahabang pila sa mga check in counters ngayong peak season.

Dagdag pa ni Monreal, dapat na maging handa ang lahat ng mananakay sa pagdagsa ng mga pasahero habang inatasan naman ang lahat ng staff at crew ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na maging maagap at maayos ang pagtatrabaho at maging magalang sa pakikitungo sa mga pasahero ng mga international at domestic flight.

Kasabay nito ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga pasahero, dayuhan man o lokal kaya nagpakalat ng mga pulis at aviation guard sa lahat ng sulok ng paliparan upang walang gumambala sa maayos na pagbibiyahe ng mga pasahero.