Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

MGCQ: Mayor na Good, Caring at Quick

0 108

Nangangamoy MGCQ o mas maluwag na Modified General Community Quarantine sa Marso. Pero para sa mga kurimaw nating nami-miss na ang ayuda, ito raw ang panahon na lalo pang makikita kung sinong mga alkalde ang magiging waley o havey.

Dahil kabilang ang Metro Manila sa may pinakadami at siksikin na mga tao sa Pilipinas, tila magandang subaybayan kung papaano didiskarte mga tropapips ang mga mayor sa 17 lungsod nito.

Mantakin nyo, napakanipis pala ng nangyaring botohan na 9-8 sa mga alkalde ng Metro Manila na pabor sa MGCQ. Ibig sabihin, walo sa mga alkalde ang nais na manatili pa rin sa mas mahigpit na GCQ dahil sa duda sila kung handa na ba talaga ang lokal at pambasang pamahalaan na palabasin ang mas maraming tao.

Ibig sabihin mga tropapips na “palabasin” ang mga tao, luluwagan pa ang edad ng mga papayagan nang lumabas; dadagdagan ang mga negosyo na puwede nang magbukas kaya mas dadami ang lalabas ng bahay para magtrabaho; at mas marami ang puwede nang mamasyal at magliwaliw sa malls.

Iyon nga lang, may malaking tanong maging ang ilang alkalde kung handa na ba talaga ang bansa sa MGCQ? Kung mas marami nga naman kasi ang tao sa labas ng bahay, mas marami ang mga pasyalan at mall; mas maraming pasahero ang magsisiksikan sa mga pampublikong sasakyan–mangangahulugan din na may posibilidad na mas marami ang mahawahan ng COVID-19 at maging ng bagong variant na sinasabing mas mabilis makahawa.

Ang matindi pa, sa kabila ng araw-araw na presscon at mga bidahan tungkol sa pagbili ng bakuna, aba’y parang buyer sa online ang Pilipinas na naghihintay pa rin ng dating ng delivery.

May mga nagbibiro nga sa social media na baka mas maganda raw kung yung dalawang sikat na online shopping flatform ang ginawang tagakontrata ng bakuna at baka naka-add cart na mga ito sa mga buyer.

Simple lang ang dahilan ng mga alkalde na pabor sa MGCQ, mabuksan pa ang ekonomiya at mabigyan ng trabaho ang mga tao. Gayunman, naniniwala sila na kailangang ipatupad ang mahigpit na health protocols.

Ngunit ang isang hindi yata masyadong napagtutuunan ng pansin sa senaryong dumami ang dapuan ng COVID-19 sa MGCQ ay ang mga dukhang pasyente? Hindi lang ang mga dadapuan ng virus kung hindi maging ang mga magkakaroon ng malubhang sakit na kailangang ma-admit sa ospital.

Himutok kasi ng isa nating kurimaw, karamihan ngayon ng mga public hospital ay sinasabing puno na kaya napipilitan ang mga mahihirap na pamilya na ipa-admit ang kanilang pasyente sa private hospital na mas mahal ang bayad.

Pagdating ng oras na gumaling o namatay ang pasyente, hindi kaagad mailabas ng pamilya dahil kulang ang kanilang pambayad lalo na kung aabutin ng daang libo ang gastos. Ang hirap pa naman sa private hospital, mayroon mga walang kasunduan sa Malasakit Center o DSWD kaya hindi makakuha ng guarantee letter ang pasyente.

Bukod doon, may limit lang ang guarantee letter o ayuda ng Malasakit at DSWD. Kaya kung aabutin ng mahigit P300,000 ang gastos ng yagit na pasyente, pihadong iikot ang tumbong ng kaniyang pamilya sa paghahanap ng pambayad.

Huwag din asahan ang batas na “bawal i-hostage” ng ospital ang pasyente dahil tatawanan ka lang ng ilang private hospital tulad ng nasa Tondo, Maynila, na tunog pera ang pangalan. Mabuti sana kung maunawain ang ospital na papayag sa promisory note na hulugan na lang ng pamilya ang bill ng pasyente.

Talagang maraming pagsubok na posibleng mangyari sa ilalim ng MGCQ. At dito malalaman ang diskarte ng bawat mayor kung mahusay ba, may malasakit, at mabilis umaksyon. Para kung ano nga naman ang mangyari, walang sisihan pagdating sa huli. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.